Unang Agri-Tourism Exposition, Tagumpay

 

Perez Park, Lungsod ng Lucena – Nasaksihan ng libu-libong tao ang mga naggagandahang booth ng  iba’t ibang bayan ng Lalawigan ng Quezon sa pagdaraos ng kauna-unahang Agri-Tourism Exposition noong ika-15 hanggang ika-20 ng Agosto 2011 kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-133 taong kaarawan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon. Ang nasabing okasyon ay may temang “Niyog: Yaman ng Quezon, Quezonian Magkakausong.” bilang pagbibigay halaga sa industriya ng pagniniyugan bilang pangunahing kabuhayan ng lalawigan. Naging matagumpay ang Agri-Tourism Exposition sa pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Gobernador David C. Suarez at Unang Ginang ng lalawigan na si Anna Marie V. Suarez na pangulo ng Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) sa pakikipagtulungan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor sa pamumuno ni G. Roberto D. Gajo at Tanggapan ng Panlalawigang Turismo sa pamumuno ni G. Alberto S. Bay, Jr.. Nakipagtulungan din ang  Kagawaran ng Agrikultura sa pamamagitan ni Kalihim Proceso J. Alcala kung saan nagkaloob siya ng limang milyong pisong (P 5,000,000.00) pampremyo para sa paligsahan ng pagandahan ng booth.  

 

Naging tampok nga sa Agri-Tourism Exposition ang paligsahan ng pagandahan ng booth na nilahukan ng mga kasapi ng KALIPI at ng mga Pambayang Agrikultor. Nakamit ng bayan ng Gumaca ang unang gantimpala na tatlong milyong pisong (P 3,000,000.00) halaga ng proyekto. Pumangalawa naman ang bayan ng Lopez na nagkamit ng dalawang milyong pisong (2,000,000.00) halaga ng proyekto at nasungkit naman ng bayan ng Sariaya ang ikatlong gantimpala na isang milyong pisong (P 1,000,000.00) halaga ng proyekto. Hindi naman umuwing luhaan ang mga hindi pinalad na bayan sapagkat pinagkalooban sila ng tig-iisandaang libong pisong (P 100,000.00) halaga ng proyekto at dalawampung libong pisong cash. Iginawad ang mga gantimpala nina Gob. David C. Suarez, Unang Ginang Anna Marie V. Suarez, Congressman Danny Suarez, Gng. Aleta Suarez, Congresswoman Mitos “Megs” Magsaysay, Bokal Teresita Dator at Ma. Lordes de Luna-Pasatiempo, APCO Corazon C. Gallego, G. Guillermo Argosino-PAFC Chairman at G. Petronilo E. Abuyan-Pangulo ng MAO’s Association. Samantala, may kabuuang benta na P 2,895,000.00 ang mga exhibitors mula sa pribado at lokal na pamahalaan.

 

Nagkaroon din ng pagpaparangal sa mga piling magsasaka o Outstanding Agricultural Achievers ng Gawad-Saka 2011 noong ika-16 ng Agosto 2011. Matatandaan na 12 kategorya ang ipinasok ng Lalawigan ng Quezon na kung saan ay siyam dito ay pinarangalan sa Regional Level at pito ang naitalang finalists sa National Level. Tumanggap ng plake ng pagkilala at halagang P 12,300 ang mga nanalo sa group category at P 7,000 naman para sa individual category.  

 

Pinarangalan din ang mga magsasaka at mga mangingisda nang ipagdiwang ang AFC Day noong ika-17 ng Agosto 2011 na dinaluhan ng mga kasapi ng Provincial Agricultural and Fishery Council (PAFC) sa pangunguna ni G. Guillermo Argosino. Nagkaroon naman ng pagsasanay at oportunidad sa pagnenegosyo noong ika-18 ng Agosto 2011.


Comments (0)

Comments powered by Disqus