Sunken Garden ng Quezon, Ibinalik sa Dating Anyo


 

2017-12-04

 

 

Pormal nang binuksan sa publiko nitong ika-4 ng Disyembre ang Block 1 ng Perez Park sa Government Complex, Lucena City. Pinangunahan ng ama ng lalawigan na si Gob. David C. Suarez ang ribbon cutting ceremony at blessing kasama ang ilan pang kawani ng pamahalaang panlalawigan, mga mayors at mga kaparian.

 

Dinumog ng mga kababayang Quezonian ang Capitol Compound upang muling masilayan ang tinaguriang Sunken Garden ng lalawigan matapos ang 90 taon simula ng pagkakatatag nito.  Ang lupang kinatatayuan ng Perez Park ay ipinagkaloob ni Don Filimon Perez noong taong 1927 sa  lalawigan ng Quezon na noo’y tinawag na lalawigan ng Tayabas.

Makaraan ang ilang mga administrasyon, hindi naiwasan ang pagkakaroon ng pagbabago sa kilalang pasyalan sa lalawigan. Dahil dito, unti-unting nawala ang orihinal na konsepto ng Perez Park. Makalipas ang ilang taon, sa ilalim ng administrasyong Suarez, muling naibalik sa dati nitong anyo ang nasabing parke.

Ayon kay Gob. Suarez, hangarin ng kanyang administrasyon na maibalik ang kabuluhan at makasaysayang halaga ng Perez Park, Block 1 para sa lalawigan ng Quezon at sa mga mamamayan nito.

 

Sa mensahe ng gobernador, ibinahagi niya ang kanyang hangarin na masilayan ng panibagong henerasyon ng Quezonian ang tunay na ganda ng Perez Park noong unang panahon. Aniya, pagkakataon rin ito upang muling magbalik-tanaw ang mga mamamayan ng lalawigan na kinalakihan ang  dating pasyalan.

 

Matapos nito ay isinagawa rin dito ang isang holy mass at ang inaabangan na official switch on o lights ceremony ng Christmas tree sa Provincial Capitol bilang hudyat ng pagsisimula ng selebrasyon ng kapaskuhan sa pamahalaang panlalawigan.

 

Nag-alay rin ng isang libreng concert sa Quezon Convention Center kung saan naghandog ng awitin ang Quezon Science Madrigal Virtusous, Manila Phil Harmonic Orchestra, University of Sto. Tomas Singers at ang sikat na ASAP birit queen na si Morisette Amon.

 

“Ito po ay umpisa pa lamang ng mga sunod-sunod na improvement na gagawin natin sa ating lalawigan. Ang pinakamahalaga po sa lahat ay ang aking pangarap at panalangin na ang lugar na ito ay magsilbing paraan for all of you to spend your moments with your families and friends bonding and enjoying each others company. Hindi po tayo nagtatapos dito, umpisa pa lamang poi to sa napakarami pang kaunlaran sa ating lalawigan.” panghuli ni Gob. Suarez. (Quezon-PIO)

 
 
 
BACK