Gob. Suarez, ibinahagi ang Q1K program sa National DSWD Capacity Building Bureau


 

2017-12-29

 

 

Matapos ang mga parangal na nakamit ng lalawigan ng Quezon ngayong linggo tulad ng Seal of Good Local Governance at Destination of the Year award para sa CALABARZON region, nagtungo naman ang ama ng lalawigan na si Gob. David C. Suarez nitong ika-28 ng Nobyembre sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Capacity Building Bureau sa Batasan Pambansa Complex, Quezon City. Ito ay upang ibahagi ang isa sa programang ipinagmamalaki ng lalawigan, ang Quezon’s First 1,000 Days of Life o Q1K na sa kasalukuyan ay umaani ng pagkilala hindi lamang sa Pilipinas ngunit pati sa ibang bansa sa Asya.

 

Tinalakay ng gobernador ang Q1K program alinsunod sa paksa ng early childhood care development ng Quezon. Bilang gobernador, naniniwala siya na ang tunay na basehan ng kaunlaran ng isang lalawigan ay nagmumula sa maunlad na pamumuhay ng mga mamamayan nito. Aniya, ito ang nagsisilbing sukatan niya ng kahusayan sa sarili bilang isang mabuting lingkod bayan.

 

Sa lahat ng mga pagkilalang patuloy na nakakamit ng kanyang lalawigan, ipinahayag ng gobernador na isa sa mga pinakamalapit sa puso niya ay ang mga karangalan na may kinalaman sa social welfare and development. Sa pamamagitan nito, nakikita niya umano ang katunayan na mas napapaganda pa ng kanyang administrasyon ang antas ng pamumuhay ng mga Quezonian.

 

Sa loob ng apat na taon, patuloy na ipinatutupad ang nasabing programa sa lalawigan ng Quezon. Nakasentro ang nasabing programa sa tatlong key components – ang food and nutrition, health and sanitation at social care. Sa loob ng isang libong araw simula sa unang araw ng pagbubuntis ng isang ina, personal na tinututukan ng Q1K technical working group at Q1K coordinators ang mga ina at sanggol hanggang sa ikalawang taong gulang nito.

 

Sa tulong ng Q1K program, nabawasan ang bilang ng malnutrition level ng lalawigan, mas nabigyang pansin ang pangangailangan ng mga buntis, at higit sa lahat mas nagkaroon ng mas matibay na pundasyon ang bawat pamilya.

 

“It also has been my great support in governance na sa larangan ng bawat ginagawa namin at sa iba’t-ibang mga programang ipinatutupad namin, ang dapat laging binibigyang prayoridad ay ang mapataas  ang kalidad ng pamumuhay ng ating mga pinaglilingkuran, and this has been my battle cry. “ pahayag ni Gob. Suarez.

 

Bilang pangwakas, nagpasalamat si Gob. Suarez sa mga kawani ng DSWD sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataon na maibahagi ang isang programa na pinaniniwalaan niyang makatutulong sa kaunlaran ng susunod na henerasyon.

 

“Core to our objective is to develop the individual and the society. I think implementing the first 1,000 days is the best positive step towards that. It takes a village to raise a child, it’s true. But, in Quezon province it doesn’t take a village; it takes a province to raise a child. At ito po ay sa tulong ng Q1K program.” pagtatapos ng gobernador. (Quezon-PIO)

 
 
BACK