Lalawigan ng Quezon, kinilala bilang Destination of the Year ng Department of Tourism para sa CALABARZON region


 

2017-11-28

 

 

“Tourism is not just about the number of tourists that come to your province. It is about protecting your environment, it is about embracing your past, and lifting your culture and the lifestyle you carry.” 

 

Ito ang bungad na pananalita ni Quezon Province Governor David C. Suarez sa kanyang mensahe sa katatapos pa lamang na CALABARZON Tourism Summit 2017 nitong ika-27 ng Nobyembre sa The Bellevue Manila, Alabang, Muntinlupa City.

 

Para kay Gob. Suarez, isang malaking karangalan ang mabigyan ng pagkakataon na makapagsalita para sa nasabing pagtitipon na itinuturing niyang isang espesyal na parte ng kasaysayan ng kanyang lalawigan.

 

Sa temang “Working Towards Sustainable Tourism and Building Partnerships Through Appreciation and Recognition”, nakamit ng lalawigan ng Quezon ang pagkilala bilang “Destination of the Year” award para sa 6.3 million Same-Day Tourist Arrivals sa Niyogyugan Festival noong taong 2016.

 

Ang Niyogyugan Festival ay patuloy na nakikilala sa bansa dahil sa taglay nitong kulay at saya na nagpapamalas ng ganda ng lalawigan ng Quezon. Sa pamamagitan ng pagdiriwang na ito, naipakikilala ng pamahalaang panlalawigan sa mga turista ang mga produkto ng bawat bayan na nagsisilbing representasyon ng iba’t-ibang kultura ng kanilang munisipalidad.

 

Batid ni Gob. Suarez ang kahalagahan ng rehiyong kinabibilangan ng Quezon para sa kabuuang ekonomiya ng bansa. Aniya, sa tulong  rin ng mga bagong destinasyon na kasalukuyang kinikilala sa lalawigan nakasisiguro siya na mas mapatataas pa nito ang kontribusyon ng Quezon hindi lamang sa ekonomiya at turismo ngunit lalo’t higit sa pagpapataas din ng dekalidad ng pamumuhay ng mga tao dito.

 

Naniniwala ang gobernador na sa pamamagitan ng pagbibigay importansiya sa turismo, unti-unti ring nabibigyang pansin ang maliliit na suliranin sa isang komunidad upang tuluyan nitong makamit ang tinatamasang kaunlaran.

 

Kinilala rin ni Gob. Suarez ang kahusayan ng iba pang mga nakatanggap ng parangal noong araw na iyon. Aniya, ang pagkakaroon ng dedikasyon at paninidigan sa sinumpaang tungkulin ng isang lingkod bayan kasabay ng pagpapa-igting sa turismo ay indikasyon ng pagkakaroon ng isang maunlad na komunidad.

 

“It takes a special kind of leadership and quality in governance to put premium to tourism. Sa dinami-rami ng mga problemang hinaharap natin, pag nabigyan pa rin natin ng kahalagahan ang turismo, ang ibig sabihin noon, napakagaling niyo pong lingkod bayan. It is because you understand that in promoting tourism, we slowly address the little issues and problems that our municipalities and our provinces are facing. “ pagtatapos ni Gob. Suarez. (Quezon-PIO)

 
 
BACK