Mga bagong programa at proyekto ng pamahalaang panlalawigan, inilatag sa flag raising ceremony


 

2017-11-27

 

 

Isa sa hangarin ng ama ng lalawigan, Gob. David C. Suarez ay ang magkaroon ng isang maunlad at progresibong lalawigan sa ilalim ng kanyang panunugkulan. Alinsunod nito ay tinalakay ni Provincial Administrator Romulo Edaño Jr. sa isinagawang flag raising ceremony nitong nakaraang Lunes ang ilan sa mga nakatakdang programa at proyekto na isasagawa ng pamahalaang panlalawigan. Isa na rito ay ang patuloy na pagpapaigting sa isa sa mga pangunahing produkto ng lalawigan – ang niyog.

 

Ayon kay Edaño, ang konsepto ng pagsasagawa ng Coconut Industry Research and Development Center na nakatakdang itayo sa Bondoc Peninsula ay unti-unti nang binubuo sa pagtutulungan ng Department of Agriculture, Department of Trade and Industry, Department of Science and Technology at iba’t-iba pang mga ahensya.

 

Ani Edaño, ang ganitong uri ng proyekto ay maituturing na isa sa mga legacy project sa ilalim ng administrasyong Suarez. Inaasahang isa umano ito sa malalaking proyekto na nakalaan para sa ikauunlad ng mga magniniyog sa lalawigan ng Quezon.

 

“Dahil dito, magkakaroon pa ng enhancement at kaunlaran sa marketing network pagdating sa merkado ang ating mga produkto at mas mabibigyang prayoridad ito sa pamamagitan ng itatayo nating pasilidad.” pahayag ni Edaño.

 

Naniniwala si Gob. Suarez na sa pamamagitan ng mga ganitong uri ng programa ay mas maipadarama pa ng pamahalaang panlalawigan sa mga kababayang magsasaka ang pagmamalasakit at pakikiisa nito tungo sa kanilang patuloy na pag-unlad.

 

Samantala,idinagdag rin ni Edaño sa kanyang mensahe ang nakatakdang pormal na pagtatapos ng ilang mga drug surrenderees na sumailalim sa programang Yakap Bayan sa ika-11 ng Disyembre. Ang mga nasabing magsisipagtapos ay dumaan sa iba’t-ibang livelihood trainings para sa disaster preparedness at iba pang mga kasanayan na nakapaloob sa programa. Kasabay ng kanilang pagtatapos, isasagawa rin dito ang formal turn-over ng mga PNP vehicles at equipment na ipagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan sa kanila.

 

Bilang pagtatapos, ibinahagi rin ni Edaño ang nakatakdang pagbibigay ng pagkilala sa mga natitirang 11 na sundalong Quezonian na naging bahagi ng sandatahang nakipagsapalaran sa lungsod ng Marawi nitong mga nakaraang buwan. (Quezon-PIO)

 
 
BACK