Q1K Program ng Quezon, Bida sa Lakbay-Aral ng Malabon City


 

2017-11-24

 

 

Malugod na tinanggap ng Pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang lungsod ng Malabon at Caloocan, kasama ang halos 14 na kawani mula sa City Health office, mga Nurses, Barangay Nutrition Scholars at mga coordinators mula sa Save the Children program sa isinagawa nilang “Q1K Lakbay-Aral”, Nobyembre 23, 2017.

 

Pinag-aralan at mas kinilala ng mga delegado ang isa sa mga ipinagmamalaking programa ng lalawigan, ang Quezon’s First 1000 Days of life program o Q1K kung saan sa pamamagitan ng programang ito mas maitataas ang kaalaman at kamalayan ng mga inang nagbubuntis sa pagkakaroon ng wastong nutrisyon at tamang pangangalaga sa kalusugan.

 

Sa pambungad na pananalita ni Ms. Christina T. Lopez, General Secretariat ng programang Q1K, ipinahayag niya ang lubos niyang kagalakan sa patuloy na pagdami ng mga bayang nais bumisita sa probinsya upang matutunan at masaksihan ang mga positibong resulta ng programang maigting na ipinatutupad sa lalawigan. Aniya, bukas palad at handang makipagtulungan ang lalawigan ng Quezon sa lahat ng gustong maisabuhay ang pagbibigay ng komprehensibong serbisyo at tamang impormasyon kung paano mapapangalagaan ang mga ina at kanilang sanggol.

 

Ipinaliwanag naman ng Q1K program Management Officer at Provincial Health Officer II na si Dr. Grace V. Santiago ang kahalagahan ng wastong nutrisyon sa unang isang libong araw ng mga bata mula ng ipinagbubuntis pa lamang ng kanilang mga ina hanggang sa sila ay umabot sa kanilang ikalawang taong gulang dahil sa mga panahong ito ay kritikal ang pagbibigay ng tamang nutrisyon lalo na at nabubuo pa lamang ang pisikal at mental na kalagayan ng mga bata. Ibinahagi din ni Dr. Santiago sa mga delegado ang maigsing kasaysayan kung paano nabuo ang programang Q1K at mga aktibidad at iba’t-ibang serbisyo at interbensyon na nakapaloob dito.

 

“Good nutrition for both mothers and children during this period can help maximize the child’s ability to grow, learn and develop that has profound effect on the child’s health, well-being and success later on in adulthood”, ani Dr. Santiago.

 

Idinagdag pa niya na dapat magkaroon ng tamang pag-aalaga sa mga nagbubuntis gaya ng madalas na pre-natal check-up, tamang dyeta, micronutrient supplementation at aktibong pakikiisa ng mga ama upang masiguro ang kaligtasan ng ina at ng sanggol.

Samantala, bumisita na din sa lalawigan ng Quezon ang lungsod ng Navotas noong Setyembre 20, 2017 para sa kanilang Q1k Lakbay-Aral na malugod ding tinanggap ng probinsya sa pangunguna ni Gov. David C. Suarez. (Quezon-PIO)

 
 
BACK