Pagpapatibay sa Industriya ng Niyog sa Lalawigan, Tinalakay


 

2017-11-20

 

 

Ibinahagi ni Provincial Administrator Romulo Edaño, Jr. sa flag raising ceremony nitong nakaraang Lunes ang ilan sa mga nakalinyang proyekto at programa sa mga darating na taon na isasagawa sa lalawigan na mayroong kinalaman sa industriya ng niyog.

 

Ayon kay Edaño, inaasahan pa sa hinaharap ang patuloy na pagpapa-unlad sa produksyon ng niyog sa lalawigan, na matagal nang hangarin ni Gob. David C. Suarez. Dagdag pa niya, nakatakdang makipagpulong ang ama ng lalawigan sa ilang regional heads ng mga national government agencies tulad ng Philippine Coconut Authority, Department of Trade and Industry, Department of Agriculture at iba pang mga ahensya na nakatuon sa pag-aaral kung paano mas mapatatatag ang industriya ng pagniniyog sa Quezon. 

 

Isa sa mga isasagawang proyekto ay ang Coconut Research Center, na mayroon nang nakalaang inisyal na pondo na itinuturing na malaking potensyal ng lalawigan upang maging sentro ng ilang mga pag-aaral ukol sa industriya ng pagniniyog hindi lamang sa lalawigan ngunit sa kabuuan ng bansa.

 

Sinabi rin ni Edaño,sa kanyang mensahe na ang mga isasagawang proyekto ay maituturing na isa sa mga katuparang nakamit ng lalawigan para sa mga magsasakang nakikinabang sa industriya ng pagniniyog sa lalawigan ng Quezon.

 

Ang sektor ng agrikultura ay isa lamang sa mga pangunahin na pinagtutunan ng pansin ng administrasyon Suarez. Ilan pa sa mga programang patuloy na ipinatutupad sa lalawigan na may kaugnayan sa Coconut Development Program ay ang Coconut Rehabilitation Program, Coco-Enterprise Development, at Coco Farmers Empowerment.

 

Sa kasalukuyan, tumaas ng 14% ang produksyon ng pagniniyog na umabot sa 1.63  metrikong tonelada noong nakaraang taon. Sa patuloy na pagtaas ng produksyon nito, patuloy rin ang pagtaas ng kabuuang kita ng mga magniniyog na umabot sa 35% mula taong 2015 hanggang 2016.

 

Sa tulong ng mga nasabing programa, nananatiling numero uno ang lalawigan ng Quezon sa bansa sa industriya ng pagniniyog kung saan nakadepende ang kabuhayan ng malaking bahagi ng populasyon ng lalawigan. (Quezon-PIO)

 
 
BACK