Quezon Travel Mart, Matagumpay na Isinagawa!


 

2017-11-20

 

 

Matagumpay na isinagawa nitong nakaraang ika-17 at 18 ng Nobyembre sa SM City Lucena, Event Center ang kauna-unahan at pinakamalaking travel and tour sale sa lalawigan ng Quezon – ang Quezon Travel Mart, Byahe Kita.

 

Sa pagtutulungan ng mga tanggapan ng Provincial Tourism Office of Quezon, Department of Tourism, Tourism Organization of Quezon Province, Phils. Inc., at sa suporta ng ama ng lalawigan na si Gob. David C. Suarez, nakiisa ang higit 30 mga travel agencies, at mga kaugnay na organisasyon sa nasabing kaganapan na naglalayong paigtingin pa ang turismo sa lalawigan.

 

Itinampok dito ang ilang mga travel promos at discounts para sa mga domestic at international flights na maaaring gamitin sa pamamagitan ng mga package deals na mayroon ang mga nakiisang travel agencies mula sa iba’t-ibang sulok ng lalawigan.

 

Ayon kay TOQPPI President, Chef Alfonso Rafael Ranido, malaking bagay ang ganitong uri ng aktibidad para sa turismo kung saan itinatampok ang mga magagandang lugar sa Quezon. Pagkakataon rin umano ito upang mas ipakilala pa

ang kultura at mga mamamayan ng lalawigan sa mga karatig lugar.

 

Samantala, ikinatuwa naman ni DOT IV-A CALABARZON Regional Director, Rebecca Villanueva Labit ang aktibong partisipasyon hindi lamang ng mga pribadong sektor ngunit higit ang mga local government units na unti-unti nang nakikilala ang mga sariling bayan sa kasalukuyan.

 

 

Inaasahan pa ang mga aktibidad na tulad ng Quezon Travel Mart sa mga darating na taon upang patuloy na mas maipakilala pa ang kulturang Quezonian sa buong bansa at maging sa buong mundo. (Quezon-PIO)

 
 
BACK