GOV. SUAREZ, NAG-ULAT SA KANYANG IKA-7 NA STATE OF THE PROVINCE ADDRESS


 

2017-09-07

 

 

Lucena City – Ginanap ngayong ika-7 ng Setyembre 2017 sa Quezon Convention Center ang ika-7 na State of the Province Address ni Quezon Governor David C. Suarez.

Sa ulat ng gobernador, nagbalik tanaw siya sa katatapos pa lamang na Niyogyugan Festival noong nakaraang buwan. Aniya, ang masiglang partisipasyon ng lahat ng mga bayan at lungsod na bumubuo sa lalawigan ay sumisimbolo sa pagkakaisa ng mga Quezonian. Sumasalamin din ang patuloy na paglago ng naturang festival sa pangkalahatang pag-unlad ng sektor ng agrikultura.

Maalalang sinabi noon ni Gov. Suarez na isa sa kaniyang mga pangarap para sa Quezon ay ang maibalik dito ang karangalan bilang top producer ng niyog sa bansa. Ang produksyon ng niyog ng Quezon para sa taong ito ay pinakamataas sa loob ng dalawang dekada, at masayang ibinalita ng gobernador na dahil dito tayo na muli ang numero uno pagdating sa coconut production.

Bukod sa niyog, pinakamataas din sa loob ng dalawang dekada ang ani ng palay at mais sa Quezon – isang konkretong patunay na epektibo ang programa ng pamahalaang lalawigan at sa patuloy na pagsusumikap ng ating mga magsasaka. Sa katunayan, dahil sa mga tagumpay ng Quezon sa larangan ng agrikultura kinilala si Gob. Suarez bilang Outstanding Governor in the Field of Agriculture para sa taong 2016.

Napag-alaman na bukod sa niyog, malaki din ang potensyal ng lalawigan na maging producer ng iba pang produkto. Sa ilalim ng Provincial Commodity Investment Plan, kinilala ang kape, cacao, mangga, saging, abaca, pinya, lowland vegetables, seaweed, at mga bakang gatasan bilang priority commodities na kailangan linangin bukod sa niyog.

Ayon kay Gov. Suarez, kailangang mayroong isang komprehensibong paraan upang mapataas ang ating agricultural production at mai-angat ang buhay ng ating mga magsasaka at mangingisda. Bago niyang pangarap na maging food giant ang Quezon di lamang sa rehiyon o sa Pilipinas, kundi maging sa Timog Silangang Asya. Kaya naman pinirmahan niya ang Executive Order No. 18 na inaatasan ang lahat ng mga punong lalawigan na suportahan ang Commodity Investment Plan.

Kasabay ng pagyabong ng produksyon ng pagkain sa lalawigan, mahalagang matugunan din ang problema ng malnutrisyon sa Quezon. Naging napakahalaga ang papel ng agrikultura para maibsan ang suliranin na ito ngunit kinakailangan din ng iba pang aksyon para dito.

Alinsunod sa pagpapatibay sa sektor ng nutrisyon sa lalawigan, itinayo ng pamahalaang panlalawigan ang Provincial Nutrition Action Office kasabay ng pagpapalakas sa kakayanan ng mga Barangay Nutrition Scholars sa pamamagitan ng mga trainings at pagbibigay ng mga karagdagang kagamitan para sa pagpapa-unlad ng kanilang serbisyo.

Isinagawa rin ang Nutri-Combo Program na sa kasalukuyan ay malawakang ipinatutupad sa ilang munisipalidad ng lalawigan. Sa inisyatibo ni House Minority Floor Leader, Cong. Danny Suarez ay nabigyan ng libre at ligtas na inuming tubig ang mga mamamayang naninirahan sa labas ng Bondoc Peninsula sa pamamagitan ng mga water filtration systems.

Sa tulong ng mga isinagawang hakbang na ito malugod na iniulat ng ama ng lalawigan na sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Quezon ay single digit na lamang ang malnutrition prevalence rate ng lalawigan. Mula sa 9.32% na ibinalita niya, inaasahan pang mapababa ito sa mga susunod na taon. Kinilala ng National Nutrition Council ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan upang tuluyang matuldukan ang malnutrisyon, kaya naman nakamit nito ang Green Banner Award noong nakaraang taon.

Isa rin sa pinagtutuunang-pansin ng administrasyong Suarez ang pagpapa-unlad at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga Quezonian, lalo’t higit sa unang isang libong araw ng kanilang buhay na itinuturing na window of opportunity. Mula rito ay ipinatupad ng pamahalaang panlalawigan ang isa sa ipinagmamalaki nitong program na Quezon’s First 1,000 Days of Life o mas kilala bilang Q1K na naglalayong masiguro na ang lahat ng mga batang isisilang sa lalawigan ay maalagaan ng wasto at lalaking malakas at matalino.

Dahil sa programang Q1K, isang libong buntis mula sa 12 pilot municipalities ang nabigyang pagkakataon na magkaroon ng mga malulusog na anak. Kaya naman, muling kinilala sa taon na ito si Gov. Suarez bilang Most Outstanding Governor in the Field of Social Services.

Sa maikling panahon, maraming pagkilala na ang natanggap ng nasabing programa dahil sa natatangi nitong adhikain na mapabuti ang pamumuhay ng mga susunod na henerasyon. Ibinida ito sa nakaraang ASEAN Summit, at nagsilbi rin bilang blue print ng bagong programa ng Department of Health na pinangalanang First 1000 Days at nakatakdang ipatupad ng nasyunal na ahensya sa taon ding ito.

Ipinagmalaki rin ng gobernador ang una na nitong programang Lingap Kalusugan sa Barangay Health Coupon Program. Maalalang nakamit ng Quezon and prestihiyosong Galing Pook Award noong 2015 gawa nito, kasama ang Quezon’s 2-in-1. Ngayon, dahil sa pakikipag-ugnayan ng mga lokal na pamahalaan mula sa ibang rehiyon, ipatutupad na rin ito sa lalawigan ng Zamboanga Del Norte at lungsod ng Dipolog sa susunod na linggo.

Aminado ang ama ng lalawigan na hindi laging perpekto ang serbisyong naibibigay sa Quezon Medical Center. Ngunit, kaniyang hinikayat ang mga tao na tingnan ang buong kwento at hindi lamang ang mga negatibong komento ukol sa ospital.

Kaniyang pinaalam sa mga kalalawigan na bukod sa PhilHealth Sponsorship program kung saan ang pamahalaang panlalawigan ang sumasambot sa enrolment fee na Php 2,400.00, mayroon din tayong No Balance Billing – isang programang nagsimula sa naturang ospital at ngayon’y ipinapatupad na sa buong lalawigan. Dito, naglalaan ang pamahalaang panlalawigan ng P60 milyon bawa’t taon para i-subsidize sa mga bayaring medikal ng mga mahihirap na Quezonian.

Patuloy ang pagpapaganda sa ospital upang mas maraming tao ang matulungan nito. Ayon kay Gov. Suarez, nagbigay sila ng karagdagang 220 beds sa QMC, mula sa 6 ay 12 na ang hemodialysis units, bukas na ang pay annex na may 34 na suite rooms, may Social Hygine Clinic o HIV Treatment Hub na kasama ng Drug Testing Laboratory and Respiratory Unit, at noong nakaraang dalawang buwan ay pinasinayaan ang unang individualized intensive care unit sa ating probinsya.

Nakatakda na simulan ang pagtatayo ng OB-Pedia Ward Extension, Phase II na magbibigay ng karagdagang 30 beds, at magtatayo din ng maternity ward na magbibigay ng 70 beds. Kanila rin na palalakihin ang medicine ward para madagdagan pa ito ng kapasidad para sa 36 beds at bagong 12-bed ICU. Itatayo din ang QMC West Annex na magsisilbing bagong administration building ng ospital at Provincial Health Office.

Bukod sa mga pisikal na pagpapa-unlad, dinagdagan na rin ang mga espesyalista at doktor sa ospital. Mula sa 59 ay 114 na ngayon ang mga manggagamot na nasa ilalim ng QMC. Ibinalita rin ni Gov. Suarez na magtutulungan sila ni Lucena City Mayor Roderick Alcala na nangakong magbigay ng buwanang kontribyusyon sa ospital dahil na rin sa ang pinakamaraming pasyente dito ay mula sa kanyang lungsod. Nangako rin daw ang DOH na magbibigay ng isang MRI sa tulong ng pakikipag-ugnayan ni Congressman Danilo Suarez.

Sa sektor ng edukasyon, iniulat ng gobernador ang kanyang taos-pusong dedikasyon na matustusan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral at mga guro. Unang binigyang-diin ng gobernador ang mga nakalaang proyekto para sa higit pang pagpapabuti ng serbisyo para sa mga Day Care. Bukod sa paglalaan ng pondo para sa pagsasaayos at pagpapatayo ng mga bagong day care center at pamamahagi ng instructional materials ay isusulong din ang pagpapatupad ng Day Care Service 2.0. Nasasakop sa programa ang pagpapatayo ng bagong disenyo ng mga day care centers na tampok ang waiting area sa mga magulang at dagdag na seguridad para sa mga bata.

Mayroon ring mga programa na handog ang pamahalaang panlalawigan para sa mga mag-aaral. Isa ang Computer Literacy Program na naipatupad sa tulong ng DepEd. Dagdag pa rito ang Scholarship Program ng lalawigan na nakapagpatapos na ng 9,302 scholars sa loob ng pitong taon. Para naman sa mga katutubo nating kalalawigan ay ipapatupad ang programang KALILAYAN IP (Komprehensibong Aksyon sa Literasi, Lakang Pamayanan at Kabuhayan para sa ating Indigenous Peoples).

Ibinida din ni Gob. Suarez ang Quezon Science High School na nanguna sa National Achievement Test para sa school year 2014-2015. Idinagdag din niya ang mga nakalaang proyekto para sa nasabing paaralan tulad ng paglalaan ng pondo para sa patubig at kuryente, pagpapatayo ng bagong gymnasium, mga silid-aralan, Science Learning Resource Center sa tulong ng ALONA Partylist at bagong dormitoryo para sa tumataas na populasyon ng mag-aaral dito.

Sa mga programa at serbisyong patuloy na ipinatutupad ng administrasyong Suarez, ang lalawigan ng Quezon mula sa ika-34 na ranggo noong 2016 ay nasa ika-14 na ngayong taon para sa competitiveness index mula sa 81 na lalawigan sa bansa.

Para sa kanyang binansagang “Next 3, Best 3” na taon ng panunugkulan, desidido ang ama ng lalawigan na ipagpatuloy at mahigitan pa ang tagumpay at pagkilala na patuloy  na tinatamasa ng Quezon sa buong bansa. Higit sa pagpapaunlad ng mga imprastraktura, agrikultura, mga programa laban sa droga at serbisyo para sa kalusugan at edukasyon, tulad ni dating pangulong Manuel Quezon, naniniwala ang gobernador na kung patuloy na magiging isa ang bawat mamamayan ng Quezon, mas magiging maunlad pa ang lalawigan sa hinaharap.

“President Manuel L. Quezon had an undying belief in the capabilities of the Filipino people. He once said that the Philippines has a great past, a great present and a great future. We can fully realize the hope that President Quezon had for his people sa mga programa na ginagawa at isasagawa ng pamahalaang panlalawigan, at sa ika-pitong pagkakataon na makapag-ulat ako sa inyo, taos-puso po akong nagpapasalamat.” pagtatapos ni Gob. Suarez. (Quezon-PIO)

 
 
BACK