Taunang Pag-aalay ng Bulaklak sa Bantayog ni Manuel Luis Quezon, Isinagawa


 

2017-08-19

 

 

Bilang pagpupugay at pag-alala sa ika-139 taong kapanganakan ni Pang. Manuel Luis Quezon, isinagawa ngayong umaga, ika-19 ng Agosto ang taunang pag-aalay ng bulaklak sa monumento ng dating pangulo sa Perez Park, Lucena City. Pinangunahan ito ng ama ng lalawigan, Gov. David C. Suarez kasama si Kalihim Catalino Cuy ng Kagawaran ng Interyor at Lokal na Pamahalaan (DILG). Naroon din sina Vice Gov. Sam Nantes, ALONA Partylist Representative Anna V. Suarez, Former Congw. Aleta Suarez, Minority Floor Leader Danilo Suarez, mga board members at ilang kawani ng pamahalaan upang saksihan at magbigay suporta sa nasabing kaganapan.

 

Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang-pugay ni Gob. Suarez ang mga katangi-tanging gawain na isinagawa ng dating pangulo. Ayon sa kanya, isang magandang halimbawa si Pangulong Quezon sa mga mamamayan ng lalawigan at sa buong bansa.

 

“He is driven to fight for his convictions. And every year, we commemorate this great man’s achievement. I always try to impart to you some of his life stories that I think inspire us to be better in what we do in our work, in our life and being a Quezonian.” batid ng gobernador.

 

Ikinagalak naman ni DILG Secretary Catalino Cuy ang pagkakataong naibigay sa kanya upang maging kinatawan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagdiriwang.

 

“Tunay ngang kahanga-hangang pangulo ng bansa si Pangulong Quezon. Sana po ay gawin nating inspirasyon ang okasyong ito na nagbibigay sa atin ng karangalan at nagtutulak sa atin upang unahin ang pangangailangan ng ating mga kababayan gaya ng ginawa ni Pangulong Quezon. Hangga’t tayo ay nagkakaisa, ang inaasam nating mapayapa at maunlad na bansa ay siguradong makakamtan natin.” ayon kay Secretary Cuy.

 

Samantala, ipinagmalaki naman ng gobernador ang unti-unting pag-unlad ng lalawigan sa pamamagitan ng tinatamasa nitong pagkilala hindi lamang sa mga programa nito ngunit pati na rin sa pinaka-aabangang Niyogyugan Festival, kung saan nabibigyang pagkakataon ang mga Quezonians mula sa 39 na bayan at 2 lungsod na magpakita ng kanilang natatanging produkto at talento sa loob ng dalawang linggo nitong selebrasyon.

 

“Dalawang araw pa lamang po ang ating Niyogyugan Festival, pero higit 90,000 na turista na po ang dumarayo sa ating lalawigan para masaksihan ang natatangi nating pagdiriwang. Sa pamamagitan po nito, naipakikita po natin ang husay at richness ng lalawigan na essence ng pagdiriwang. Kung makikita po ni Pangulong Quezon ito, marahil po ay masasabi niyang masaya siya sa tinatamasa ng probinsya natin ngayon.” pagtatapos ni Gob. Suarez. (Quezon – PIO)

 
 
BACK