2nd Dugong Quezon Awarding Ceremony at Grand Blood Donation Activity, Tagumpay!


 

2017-08-14

 

 

Kaalinsabay sa pagbubukas ng selebarasyon ng Niyogyugan Festival 2017, pinarangalan kamakailan sa Quezon Convention Center ang mga itinuturing na bagong bayani ng lalawigan sa isinagawang 2nd Dugong Quezon Awarding Ceremony. Dumalo sa nasabing kaganapan sina Provincial Administrator Romulo Edaño Jr., DOH Quezon Officer Dr. Juvy Paz Purino, Board Member Hon. Elizabeth Sio, QMC Chief of Hospital Dr. Rolando Padre, Ang Dating Daan Representative Brother Roland Antonio at Quezon Council for Blood Services, Ana Maria Martinez, MD. Sa parehong araw ay isinagawa rin ang malawakang blood donation activity na dinaluhan ng mga mamamayan mula sa iba’t-ibang parte ng lalawigan.

 

Ayon kay Dr. Purino, ang programang tulad ng paggawad ng pagkilala sa mga donors ng dugo sa lalawigan ay isang malaking tulong sa papapatatag ng sistema. Sa pamamagitan nito ay matitiyak na ang lahat ng Quezonians ay makakakuha ng agarang dugo kung kinakailangan.  Aniya, ang kanilang tanggapan ay handang umagapay upang matiyak na maipagpapatuloy ang magandang gawaing ito ng lalawigan.

 

Alinsunod sa ginanap na blood donation activity, binigyang-diin naman ni Bb. Ana Martinez ang kahalagahan sa pagbibigay ng pagkilala sa mga voluntary donors na tatanggap ng Dugong Quezon Recognition Award. Aniya, ito ang magsisilbing motibasyon sa mga miyembro ng LGU upang magbigay ng taos-pusong pakikiisa sa mga ganitong uri ng programa.

 

Malaki naman ang pasasalamat ni QMC Chief of Hospital, Dr, Rolando Padre sa patuloy na pakikiisa ng mga Quezonians sa mga ganitong uri ng gawain upang maparami ang stock ng dugo sa lalawigan.

 

“Nais ko pong iparating ang aming pasasalamat sa ngalan ng QMC at mga pasyente sa inyong lahat na tumutulong sa pagpaparami ng stock ng dugo sa lalawigan. Sana po ay lalo pa nating palaganapin ang  espirito ng volunteerism sa ating lalawigan.” dagdag ni Dr. Padre.

 

Sa patuloy na pagpapa-igting ng kalusugan sa lalawigan, ibinalita naman ni Provincial Administrator Rommel Edaño Jr. ang ginanap na ASEAN 50 Breastfeeding Forum kamakailan kung saan inimbitahan ang ama ng lalawigan, Gob. David C. Suarez na ibahagi ang isa sa ipinagmamalaking programa ng lalawigan na Quezon’s First 1,000 Days of Life o Q1K na umani ng papuri sa mga nagsidalo.

 

Lubos ring nagpasalamat si Edaño sa mga nakibahagi sa nasabing kaganapan. Ayon sa kanya, ang pagsasagawa ng mga ganitong uri ng aktibidad ay isang collective effort mula sa nasyonal at panlalawigang pamahalaan upang mapagtagumpayan ang mga ganitong uri ng proyekto sa patuloy na suporta ni Gob. David C. Suarez. (Quezon-PIO)

 
 
BACK