Q1K, Pormal Nang Inilunsad sa Bayan ng Tayabas, Quezon


 

2017-08-14

 

 

 

Dinaluhan ng higit isang daang buntis ang pormal na paglulunsad ng Quezon’s First 1,000 Days of Life o Q1K sa bayan ng Tayabas, Quezon. Personal na nagtungo sa nasabing kaganapan ang ama ng lalawigan, Gob. David C. Suarez kasama si Alona Partylist Representative, Congw. Anna Marie V. Suarez. Naroon rin ang punong-bayan na si Mayor Ernida Reynoso, ilang kawani ng lokal na pamahalaan, pamahalaang panlalawigan at Q1K technical working group.

 

Lubos ang pasasalamat ni Mayor Reynoso sa paglulunsad ng natatanging programa na tulad ng Q1K  sa kanilang bayan. Ayon sa kanya, malaking biyaya ang ganitong uri ng programa na tutugon sa pangunahing pangangailangan ng mga buntis at mga sanggol.

 

Samantala, binigyang-pugay naman ni Gob. Suarez ang aktibong pakikibahagi at partisipasyon ng lungsod ng Tayabas sa implementasyon ng programa sa kanilang bayan. Aniya, maswerte ang bayan ng Tayabas sa pagkakaroon ng mga katangi-tanging grupo ng midwives at city health officers na walang sawang nagbibigay ng oras at dedikasyon sa kanilang mga trabaho.

Kaugnay nito ay masaya ring iniulat ng ama ng lalawigan ang nakatakdang pagsasagawa ng Niyogyugan Village Sports Complex sa nasabing bayan upang pagdausan ng ilan sa mga gaganaping palaro at pagtitipon ng lalawigan sa hinaharap.

 

Ang programang Q1K ay ang kauna-unahang programa sa bansa na nagbibigay-tugon sa pangunahing pangangailangan ng isang ina at sanggol. Binibigyang halaga dito ang unang isang libong araw ng isang sanggol. Ito ang nagsisilbing window of opportunity nito na isang mahalagang parte sa pagpapalaki ng isang bata kaugnay ng maayos at wastong kapaligiran ng isang ina habang nagbubuntis. Kasabay nito ay hatid rin ng programa ang libreng regular check-up, bakuna, gamot at seminars na isinasagawa sa iba’t-ibang parte ng lalawigan.

 

Ayon kay Gob. Suarez, ang programang Q1K ay malapit sa puso niya dahil ito ang magsisilbing daan sa magandang bukas ng susunod na henerasyon ng mga Quezonians. Naniniwala siya na sa tulong nito ay magkakaroon ang lalawigan ng mas matatalino at mas produktibong mamamayan sa hinaharap.

 

“Ang ipinaglalaban po ng probinsiya natin ay ang susunod na henerasyon ng Quezon. Ang gusto pong siguraduhin ng inyong abang-lingkod ay ang pagkakaroon ng mas matatalino at mas produktibong Quezonians sa hinaharap. At mangyayari lamang po ito kung sisiguraduhin natin na sa bahagi ng kanilang development ay hindi tayo nagkulang at yun po ang unang isang libong araw.” batid ni Gob. Suarez.

 

Bilang pagwawakas, nangako ang gobernador sa mga nagsidalong buntis na handa ang lalawigan para sa mga isisilang na sususnod na henerasyon ng Quezonians at nanindigan na walang sasayanging panahon ang kanyang administrasyon upang patuloy na paunlarin at ihanda ang lalawigan sa mga susunod pang taon alinsunod sa kanyang next 3 best 3 years ng panunungkulan. (Quezon – PIO)

 
 
BACK