Regional Women’s Month Celebration, Isinagawa sa Lucban, Quezon


 

2017-03-17

 

 

Lucban, Quezon. Ipinagdiwang kamakailan sa SLSU Main Campus ang Regional Women’s Month Celebration bilang paggunita sa buwan ng kababaihan sa temang “We Make Change Work For Women” sa pangunguna ni Cong. Ana Marie V. Suarez, kasama ang ilang miyembro ng Regional Development Council.

 

Isa sa nagbigay ng mensahe ay ang Assistant Secretary ng DSWD na si G. Jose Antonio Hernandez. Binigyang pansin ni Hernandez ang pagkakaroon ng gender equality, pagpapatibay ng pamilyang Pilipino at ng komunidad. Bukod dito, binigyang-diin rin niya ang pagbibigay ng pantay na oportunidad para sa lahat upang nang sa gayon ay magkaroon ng mas magandang kinabukasan ang susunod na henerasyon.

 

Sa ngalan naman ni Cong. Ana Marie V. Suarez, dumalo sa forum ang kanyang kinatawan, ang dating pangalawang punong bayan ng Lucban at tagapagsalita  ng Alona Party List na si Ayela Devesa. Ibinahagi ni Devesa ang mensahe ng nasabing konggresista kung saan ayon sa kanya mahalagang pagtuunan ang gender equality. Aniya, hindi lamang ito para sa kaalaman ng mga kababaihan, ngunit para na rin sa mga kalalakihan upang mas maliwanagan sila sa karapatang pantao ng bawat isa.

 

“Change for gender equality is within all of us. In our various capacities, we can be partners for change. We need to ensure that women will not be left behind in the pursuit of change.” Dagdag pa ni Avesa patungkol sa mensahe ni Suarez.

 

Matapos nito, isang talkshow naman ang isinagawa kasama ang ilan sa mga natatanging indibidwal at kababaihan patungkol sa economic empowerment at ilang pagsubok na kanilang hinarap na tumulong sa kanila upang maging isa sa mga hinahangaang mamamayan sa kanilang larangan.

 

Kabilang sa mga panauhin ay sina Aurora Porras, Atty. Sunshine Abcede-Llaga, Isabel Bico, Maria Luningning Bebit, at ARD Francis Bingas.

 

Ibinahagi ng mga panauhin ang ilan sa kanilang mga naging karanasan sa buhay at kung paano nila ito nalampasan.

 

Ang ilan man ay nakaranas ng kahirapan, matagal na pagkawalay sa pamilya, at maging ang pagkakaroon ng kapansanan, ito ay hindi naging hadlang sa kanilang lahat. Bagkos, ito pa ang nagsilbing inspirasyon sa kanila upang lalo pang ipagpatuloy ang buhay hindi lamang para sa kanilang sarili, ngunit para na rin sa kanilang pamilya. (Quezon PIO)

 
 
BACK