Mga Nagretirong Kawani ng Pamahalaang Panlalawigan, Binigyang Parangal


 

2016-02-22

 

 

Binigyang parangal ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Employee Incentives and Awards Committee at Provincial Human Resource and Management Office ang labingsiyam (19) na mga kawani na nagretiro noong nakaraang taon.

 

Ang mga nagretirong kawani ay tumanggap ng plake at cash incentive katumbas ng bilang ng taon ng paglilingkod sa pamahalaang panlalawigan na nagkakahalaga ng P500 bawat taon ng serbisyo.

 

Ayon kay Provincial Administrator Rommel Edaño na ang pagbibibigay ng parangal sa mga nagreretirong kawani ng pamahalaang panlalawigan ay naging pamantayan na ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez simula ng manungkulan bilang gobernador sapagkat itinuturing niyang yaman ang bawat kawani.

 

Dagdag pa ni Edaño na ang mga ito ay itinuturing na isa sa mga inspirasyon dahil sa tagal ng serbisyong inilaan ng mga ito para makapaglingkod sa mga kalalawigan at marapat lamang na iparamdam ng pamahalaang panlalawigan ang pagmamahal sa mga ito.

 

Sa mga nagretirong kawani, kinilalang pinakamatagal na naglingkod sa pamahalaang panlalawigan si Fidela Anda, Planning Officer III ng Provincial Planning and Development Coordinator’s Office na naglingkod ng 43 taon at tumanggap ng P21,500.00 cash incentive.

 

Ayon kay Anda isang karangalan sa kanilang mga nagretiro na natapos ang kanilang serbisyo ng maayos at masaya. Nagpasalamat din siya sa pamahalaang panlalawigan sa pagbibigay ng importansya sa mga nagretiro.

 

Kabilang sa mga nagretirong kawani ay sina Justina Saez ng Provincial Accounting Office, Alfredo de Ocampo ng Provincial Assessor’s Office, Engr. Milfredo Batocabe at Montano Paulite ng Provincial Engineering Office, Bella Tan ng Provincial General Services Office, Teresita Gandia at Jose Fule ng Governor’s Office, Azucena de Ocampo ng Provincial Treasurer’s Office, Narciso Hidalgo, Benjamin Maaño, Josefina Magno, Merlinda Manalang, Amado Portento, Edna Ursabia at Emma Zabella ng Provincial Health Office, Dr. Teodoro Serrano Jr. ng Alabat Island District Hospital, Ernesto Pujalte ng Claro M. Recto Memorial District Hospital at Dr. Josito Perez ng Magsaysay Memorial District Hospital.(Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK