Governor Suarez, Nagdiwang ng Kaarawan Kasama ang mga Bata sa Sped, Madre at Nakatatanda


 

2016-02-18

 

 

Muling ipinagdiwang ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang kanyang kaarawan sa pamamagitan ng pagbisita at pagbibigay ng tulong at regalo sa iba’t ibang institusyon sa lalawigan ng Quezon noong February 17, 2016.

 

Pinuntahan ng gobernador kasama ang Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez at mga department heads ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang Franciscan Missionaries of Mary at St. Clare Monastery sa bayan ng Sariaya, dito ay nagkaloob ang gobernador ng iba’t ibang donasyon.

 

Kasunod na tinungo ng grupo ng gobernador ang Sinag Kalinga Foundation (Home for the Aged) sa bayan ng Lucban para magbigay ng regalo sa mga lolo at lolang naninirahan dito. Nagkaloob din ang gobernador ng pinansyal na tulong ng pamahalaang panlalawigan sa naturang institusyon.

 

Kasunod ang Tayabas East Central School 1 sa lungsod ng Tayabas para bigyang kasiyahan ang mga batang mag-aaral na may espesyal na pangangailangan o SPED. Dito ay pinagkalooban ng gobernador ng regalo ang mga bata at kanilang mga magulang.

 

Siniguro din ng gobernador ang pagtulong ng pamahalaang panlalawigan sa pagsasaayos o pagpapatapos ng silid-aralan ng SPED sa naturang paaralan at pagkakaloob ng mga educational instructional materials dito sa pamamagitan ni Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez.

 

Huling pinuntahan ng gobernador ang kumbento ng Missionary Catechist of St. Therese of the Infant Jesus (MCST) sa lungsod ng Tayabas para maghandog din ng mga regalo at donasyon.

 

Ayon kay Governor Suarez, taun-taon tuwing sasapit ang kanyang kaarawan ay ipinagdiriwang niya ito sa pamamagitan ng pagbisita at pagbibigay ng mga regalo sa iba’t ibang institusyon.

 

“I’m so blessed with my life, I have a good career, wonderful wife and children, with all the blessings tama na ang tinatanggap ko; so on my birthday imbes na tumanggap pa ako ay ibigay na lang sa mas nangangailangan at mga taong nagbibigay inspirasyon sa atin na maglingkod ng maayos at tapat,” dagdag pa ng gobernador.

 

Ayon pa sa gobernador na ang mga ipinamahaging mga regalo ay mula sa mga department head ng pamahalaang panlalawigan.

 

Lubos naman ang pasasalamat at kasiyahan ng mga nabisita ng gobernador at napagkalooban ng mga regalo at tulong. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK