Kalusugan ng Puso at Ngipin, Muling Ipinaaalala ngayong Healthy Heart at Oral Health Month


 

2016-02-01

 

 
 

Ang pagdiriwang na may temang “Puso Ko Mahal Ko, Kalusugan Nito Responsibilidad Ko” ay nagsisilbing paalala sa bawat isa na bigyan ng kaukulang pansin ang pangangalaga ng kalusugan ng puso sa pamamagitan ng malusog na pamumuhay o healthy lifestyle, mabuting nutrisyon at ehersisyo.

 

Ito ay naglalayon na magkaroon ng sapat na impormasyon ang bawat isa patungkol sa pagkontrol ng mga kadahilanan o risk factors na maaaring magdulot ng sakit sa puso o cardiovascular diseases.

 

Kabilang sa mga risk factors ay mataas na presyon, mataas na lebel ng kolesterol at asukal sa dugo, paninigarilyo, hindi malusog na diyeta, pagiging sobra sa timbang, sobrang katabaan, kawalan ng ehersisyo at sobrang pag-inom ng alak.

 

Ayon sa IPHO na ang mabisang paraan upang mapangalagaan ang kalusugan ng puso ay sa pamamagitan ng pagbabago ng uri ng pamumuhay tulad ng pagkain ng tama, pagiging aktibo o regular na pag-eehersisyo, pagsubaybay at pagpapanatili ng tamang timbang, pag-iwas sa pag-inom ng alak, pagtigil sa paninigarilyo at pag-manage sa stress.

 

Kaugnay naman ng pagdiriwang ng Oral Health Month na may temang “Kalinisan ng Ngipin Laging Panatilihin, Ugaliing Kumain ng Masustansiyang Pagkain” ay muling namahagi ng IPHO ng mga toothbrush sa mga kawani ng pamahalaang panlalawigan.

 

Ayon kay Dra. Jovie Grafilo, Supervisor ng IPHO Dental Division na sa kasalukuyan base sa ulat ng Department of Health (DOH) ay umaabot sa 84.7% ang may tooth decay at 47% ang may problema sa gilagid sa buong bansa

 

Kaya naman sinisikap ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na matugunan ang problemang ito sa lalawigan ng Quezon sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Kalusugan na ipinatutupad ng IPHO sa pamumuno ni Dr. Agripino Tullas at Dra. Grace Santiago bilang OIC-Head ng Technical Services Division. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK