Tulong Pinansyal sa mga Nangangailangan, Ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan


 

2016-01-29

 

 

Ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang tulong pinansyal sa mga nangangailangan sa ilalim ng programang Aid to Individual in Crisis Situation (AICS).

 

Ito ay personal na iniabot ni Chief of Staff Webster Letargo bilang kinatawan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa isang libo at tatlumpu’t walong (1,038) indibidwal na benepisaryo ng programa na nagmula sa mga bayan sa ikalawang distrito at tatlong bayan sa unang distrito ng Quezon sa isang simpleng seremonya na isinagawa sa Quezon Convention Center sa lungsod ng Lucena noong January 28, 2016.

 

Ang tulong pinansyal na ipinamahagi sa pamamahala ni Provincial Social Welfare and Development Officer Sonia Leyson at Provincial Treasurer Malou Uy ay may kabuuang P3,382,500.00 kung saan P1,365,000.00 dito ay naipagkaloob sa 430 na Lucenahin na humingi ng ayuda sa pamahalaang panlalawigan para sa kanilang gastusin sa pagpapagamot at pagpapalibing.

 

Ayon kay Letargo, pinagsama-sama at pinagsabay-sabay ang lahat ng mga bibigyan ng tulong pinansyal ay para mas mapadali at mapabilis ang pamamahagi.

 

Ipinaabot din ni Letargo ang paghingi ng paumanhin ni Governor Suarez dahil natagalan bago naibigay ang tulong pinansyal na hiningi ng mga ito sa pamahalaang panlalawigan sapagkat inayos pa ang mga dokumentong kinakailangan para maproseso ito.

 

Dagdag pa ni Letargo na patuloy na inaayos ni Governor Suarez at ng buong pamahalaang panlalawigan ang mga programa nito para sa kapakanan ng nakararaming mamamayan.

 

Ang AICS ay tulong na ipinagkakaloob sa indibidwal o pamilyang nakakaranas ng kahirapan dahil sa socio-economic difficulties. Ito ay karaniwang short term at emergency in nature kaya naman ang tulong na ibinibigay ay one-shot deal basis lamang. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK