2016 Council Scout Jamborette, Isinagawa sa Quezon


 

2016-01-29

 

 

Mahigit tatlong libo at apat na daang (3,400) batang scout mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan ng Quezon ang nakiisa sa apat na araw na Council Scout Jamborette ng Boy Scout of the Philippines (BSP) – Quezon Council noong January 28 – 31, 2016 sa Quezon National Agricultural School (QNAS), Brgy. Malicboy sa bayan ng Pagbilao.

 

Layunin nito na maitaguyod at mapaunlad ang scouting sa lalawigan at mahubog ang pisikal, sosyal, mental, emosyonal at ispiritwal na kakayahan ng mga batang scout sa pamamagitan ng iba’t ibang gawaing inihanda sa mga ito.

 

Kabilang dito ang obstacle course, back to basics, scout mountaineering, aquatics, rappelling, team building, community service, fried drill, global development village at iba pa.

 

Ayon kay Dir. Rodolfo Pangilinan, BSP Southern Luzon Region na sa pamamagitan ng gawaing ito ay nakakapulot ang mga bata ng magagandang aral at natututo ng wastong asal habang nakikipaglaro at nakikiisa sa iba’t ibang gawain.

 

Sa pamamagitan din nito ay nalilinang ang pagsasalita, naiwawasto ang pakikitungo sa kapwa at natututong makisalamuha sa iba.

 

“Ang scouting ay laro na may pakay o layunin, ang scouting ay dapat masaya ngunit natututo,” dagdag pa ni Pangilinan.

 

Hiniling naman ni Schools Division Superintendent Merthel Evardome, Council Scout Commissioner na samahan ng puso ang lahat ng ginagawa, naiisip at lahat ng bagay na may kinalaman sa scouting upang maibigay ang serbisyong nararapat.

 

Ibinalita naman ni Chief of Staff Webster Letargo bilang kinatawan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez, BSP Council Chairman, Honorary Camp Chief at Chairman ng Jamborette Advisory Board ang pagpapalakas ng gobernador sa scouting sa buong lalawigan ng Quezon.

 

Ayon kay Letargo, naglaan si Governor Suarez ng pondo na nagkakahalaga ng P15M para sa pagpapatayo ng bagong gusali at iba’t ibang aktibidad ng Boy Scout sa Quezon.

 

Ang Boy Scout of the Philippines ay mayroong mga programa para sa KID (Kabataang Imumulat Diwa) Scout para sa edad 5 hanggang 6 na taon, KAB (Kabataang Alay sa Bayan) Scout para sa edad 7 hanggang 10 taon, Boy Scout para sa edad 10 hanggang 17 taon, Senior Scout para sa edad 13 hanggang 17 at Rover Scout para sa edad 17 hanggang 23 taon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK