Health Coupon, Ipinamahagi sa mga Kapitan


 

2016-01-21

 

 

Sa unang buwan ng taon, tatlong bayan at isang lungsod sa unang distrito ng Quezon ang napagkalooban ng health coupon sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Kalusugan sa programang Lingap Kalusugan para sa Quezonian sa pangunguna ni Quezon Governor David “Jay-Jay” C. Suarez noong January 20, 2016 sa Governor’s Office, Lungsod ng Lucena.

 

Personal na tinanggap ng mga punong barangay na mula sa mga bayan ng Pagbilao, Sampaloc, Lucban at lungsod ng Tayabas ang naturang mga health coupon.

 

Ang bawat punong barangay ay tumanggap ng tig-P25,000 halaga ng health coupon na maaaring gamitin sa mga pampublikong pagamutan sa lalawigan ng Quezon na pambili ng gamot o pambayad sa ospital.

 

Ayon kay Governor Suarez, sa nakalipas na tatlong linggo ay dinadagsa ng mga pasyente ang kanyang tanggapan na humihingi ng tulong sapagkat ang mga kapitan ay wala pang hawak na mga coupon para sa taong ito.

 

“Ito naman ang pinakarason kung bakit natin ni-release ang coupon para hindi na maabala pa ang isang maysakit na bumiyahe, pumunta at humingi ng tulong,” dagdag pa ng gobernador.

 

Hiniling naman ng gobernador sa mga kapitan ang tamang paggamit ng health coupon at ibigay sa tunay na nangangailangan ng tulong.

 

Samantala, napagkalooban na din ng health coupon ang mga punong barangay mula sa bayan ng Tiaong at Dolores noong January 18, 2016 sa pagdalaw ng gobernador sa naturang mga bayan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK