Salabat Processing Center-Extension, Ipapagawa ng Pamahalaang Panlalawigan


 

2016-01-19

 

 

Sisimulan ng ipagawa ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang extension o karagdagang bagong gusali ng Instant Salabat Processing Center ng Pinagdanlayan Rural Improvement Club Multi-Purpose Cooperative matapos pangunahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang groundbreaking nito sa Brgy. Pinagdanlayan sa bayan ng Dolores noong ika-18 ng Enero, 2016.

 

Ang extension o karagdagang bagong gusali ng processing center ay kahilingan ng naturang kooperatiba sa pamahalaang panlalawigan noong maipagawa ang bagong processing center na kaagad namang tinugunan ni Governor Suarez.

 

Ayon kay Governor Suarez na hindi nagdalawang isip ang pamahalaang panlalawigan na magpagawa ng extension o mas malaking processing center dahil naipakita ng naturang grupo na gumanda ang produkto at mas lumaki ang demand.

 

“Nagkukulang na ang luya ng Dolores at kinakailangan pang mag-angkat ng luya mula sa karatig-bayan para lamang ma-meet ang demand, tumaas ang produksyon hindi naman nawawawala ang quality ng ipinagmamalaking produkto,” dagdag pa ng gobernador.

 

Ayon pa sa gobernador na dahil sa ipinapakitang pagtutulungan ng samahan at pagmamalasakit sa mga miyembro na napalakas ang kooperatiba ay napapansin sila ng lokal na pamahalaan at nabibigyan ng boses na napapakinggan ng pamahalaang panlalawigan.

 

Nakita ng gobernador ang naging tagumpay ng Pinagdanlayan RICMPC kaya naman nais nito na magsilbing huwaran o modelo ito ng ilang kooperatiba sa lalawigan ng Quezon.

 

Lubos ang pasasalamat naman ng lokal na pamahalaan ng Dolores sa pamumuno ni Mayor Alilio, Punong Barangay Francisca Deliso at bumubo ng Pinagdanlayan RICMPC sa pamahalaang panlalawigan lalo’t higit kay Governor Suarez sa patuloy na pagbibigay ng tulong at mabilis na pagtugon sa kanilang mga kahilingan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK