Programang Q1k, Nagsimula na sa Bayan ng Jomalig; Iba Pang Programang Pangkalusugan, Inihatid


 

2016-01-14

 

 

Personal na tinungo ng Q1K Team sa pangunguna ni Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez ang bayan ng Jomalig upang magkaloob ng mga serbisyong pangkalusugan noong January 12, 2015.

 

Sumailalim sa unang pre-natal check-up ang apatnapu’t siyam (49) na buntis sa naturang bayan na benepisaryo ng programang Q1K na sinuri sa pamamagitan ng ultrasound at blood sugar test upang masigurong maayos ang kalagayan ng sanggol.

 

Pinagkalooban din ang mga Q1K beneficiaries ng mga binhing gulay para maitanim sa kani-kanilang mga bakuran para matiyak na masustansya at ligtas ang kinakain ng mga ito. 

 

Sa pamamagitan ng programang Q1K, tinitiyak ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na bibigyan nito ng tamang atensyon ang mga bata sa lalawigan mula sa sinapupunan ng kanilang ina hanggang sa unang isang libong araw ng mga ito.

 

Naniniwala ang gobernador na kapag nabigyan ng tamang mga bakuna, tamang nutrisyon, interakasyon sa mga magulang at tamang pagsubaybay ng mga health workers ay lalaking malusog at ligtas sa anumang karamdaman ang ito

 

Samantala, upang matugunan naman ang problema sa malnutrisyon sa naturang bayan ay isinagawa dito ang Nutri-Combo Feeding Program para sa mga bata na pinakain ng lugaw na may micro-nutrients/malunggay powder at pandesal na may malunggay at dilis powder.

 

Ang programang ito ang isa sa nakikitang solusyon ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez upang mapababa ang kaso ng malnutrisyon sa buong lalawigan.

 

Inatasan ni Governor Suarez ang Provincial Multi-Sectoral Nutrition Council na tutukan ang naturang programa sa nutrisyon upang matupad ang hangarin ng ama ng lalawigan na maging malusog at malayo sa sakit ang bawat kabataang Quezonian. (Reygan I. Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK