Provincial Human Rights Action Center at Team, Binuo


 

2016-01-11

 

 

Sa pamamagitan ng Executive Order No. 28 s. 2015 ay iniutos ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang pagbubuo ng Provincial Human Rights Action Center at (HRAC) at Provincial Human Rights Action Team (HRAcT) sa lalawigan ng Quezon.

 

Ayon kay Governor Suarez, ang pagsusulong at pangangalaga sa karapatang pantao ng bawat indibidwal ay pundasyon ng demokrasya at isa sa prayoridad ng pamahalaang panlalawigan.

 

Ayon pa sa gobernador na ang pagbubuo nito ay base na rin sa Joint Memorandum Circular No. 1 s. 2014 na inilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Commission on Human Rights (CHR).

 

Layunin nito na masiguro na ang mga naaangkop na mekanismo at mga proseso upang matugunan ang mga isyu at iba pang usapin ng mga karapatang pantao ay nailalagay sa tama, lalo na sa antas ng mga lokal na pamahalaan.

 

Ang Provincial HRAC ang tutugon sa mga usapin ng karapatang pantao kabilang ang promosyon at mga reklamo ng paglabag dito. Gayundin, ang HRAC ang magbabantay sa performance ng pamahalaang panlalawigan sa mandatong tungkulin nito na paggalang at pagtanggol sa karapatang pantao sa lalawigan ng Quezon.

 

Ang HRAC ay matatagpuan sa Office of the Provincial Attorney na pamamahalaan ng Provincial Human Rights Action Team (HRAcT) sa pamumuno ni Provincial Administrator Rommel Edaño bilang Chairperson kasama sina Provincial Attorney Atty. Anna Charisse Bajas, Schools Division Superintendent DepEd-Division of Quezon, Provincial Social Welfare and Development Officer Sonia Leyson, Provincial Health Officer Agripino Tullas, Provincial Information Officer Janet Buelo, PNP Human Rights Affairs Officer, BHRAO Association President at NGO Representative na itatalaga ng Chairman sa pagsang-ayon ng gobernador. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK