One-Stop Migration Resource Center, Binuksan


 

2015-12-08

 

 

Kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Overseas Filipinos at International Migrants Day sa lalawigan ng Quezon ay pormal nang binuksan ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Committee on Migration and Development (PCMD) ang One-Stop Migration Resource Center (OSMRC) na matatagpuan sa ikatlong palapag ng Quezon Convention Center noong December 7, 2015.

 

Ayon kay Atty. Melojean Puache, Public Employment Service Office (PESO) Manager, ang OSMRC ang tanggapang maaaring lapitan at tumulong sa mga OFW o pamilyang naiwan ng OFW sa bansa.

 

Ang OSMRC ay may tatlong bahagi, Information Advocacy na tututukan ng PESO sa pamumuno ni Atty. Puache at Provincial Gender and Development (PGAD) sa pamumuno ni Ofelia Palayan, Psycho-Social sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pamumuno ni Sonia Leyson at Entrepreneurship sa tanggapan ni Alberto “Jun” Bay.

 

Ayon pa kay Puache na ang pagkakaroon ng OSMRC ay dahil sa pagsisikap ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na matulungan ang kababayan nating mga OFW at kanilang pamilya.

 

Dagdag pa ni Puache na upang lubos na matulungan ang mga ito ay sumailalim sila at kanilang mga tauhan sa pagsasanay at pag-aaral sa National Economic and Development Authority (NEDA) sa pamamagitan ng Strengthening, Upscaling and Mainstreaming International Migration and Development (SUMMID) Calabarzon tungkol sa financial literacy, income management at iba pang mga bagay na makakatulong sa mga OFW.

 

Samantala, isinagawa din ng PCMD ang kauna-unahang Migration and Development Forum noong December 7, 2015 sa Bulwagang Kalilayan sa Lungsod ng Lucena na nilahukan ng mga may kapamilya sa ibang bansa.

 

Tinalakay sa naturang forum ang mga programa at serbisyong ipagkakaloob ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng PhilHealth, Social Security System (SSS), Department of Foreign Affairs (DFA), Pag-Ibig, Department of Labor and Employment (DOLE), Office of the Provincial Agriculturist, Land Bank of the Philippines, CARE MBA at St. Jude Cooperative. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK