Quezon 4-H Club, Aktibo sa Gawaing Pang-Agrikultura


 

2015-12-08

 

 

Patuloy ang pagiging aktibo sa mga gawaing pang-agrikultura ng samahan ng mga kabataan sa lalawigan ng Quezon na 4-H Club na katuwang ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Panlalawigang Agrikultor sa pagpapaunlad ng agrikultura.

 

Kamakailan lang ay nagkaroon ng pagtitipon ang mga kabataang miyembro ng naturang grupo kasama ang kanilang mga 4H coordinator na mula sa bayan ng San Antonio, Plaridel, Atimonan, Unisan, Agdangan, Pagbilao, Sariaya, Gumaca, Tayabas at Real.

 

Ayon kay Angelina Jamilano, Provincial 4H Club Coordinator na sa kasalukuyan ay mayroong labing-walong (18) munisipalidad ang mayroong 4H Club sa 78 barangay  na may kabuuang 3,595 na miyembro.

 

Ang naturang samahan ay patuloy na sinusuportahan ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Agrikultura sa pangunguna ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa pagsubaybay ng Tanggapan ng Panlalawigan Agrikultor sa pamumuno ni Roberto Gajo.

 

Kabilang sa mga programang ipinagkakaloob sa grupo ay pagbibigay ng mga pagsasanay sa mga kabataan tungkol sa pagtatanim at paghahayupan, ayuda sa mga pananim, makinarya at iba pang agrikulturang kagamitan, food cart at pagsasagawa ng mga lakbay-aral.

 

Samantala, matatandaang naging palagiang Regional Winner at National Finalist simula pa noong 2002 ang Quezon 4-H Club sa Gawad Saka Seard for Agricultural Achievers at noong CY 2009-2010 ay naging Outstanding National Young Farmer Association ang Binahaan 4-H Club. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA Info. Unit)

 
 
BACK