Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, Nakikiisa sa 18-Day Campaign To End Violence Against Women


 

2015-12-07

 

 

Bilang pakikiisa at pakikibahagi ng lalawigan ng Quezon sa 18-Day Campaign to End Violence Against Women ay sabay-sabay na hinipan ng mga opisyal at kawani ng pamahalaang panlalawigan at ilang nasyonal na ahensya ng pamahalaan ang kani-kanilang mga pito (whistle) sa isinagawang flag raising ceremony sa Kapitolyo.

 

Ayon kay Ofelia Palayan, Provincial Gender and Development Officer na ito ay pagdedeklara ng suporta sa mga kampanya laban sa karahasan sa mga kababaihan at kabataan at mapukaw ang atensiyon ng publiko.

 

Ang 18-Day Campaign na nagsimula noong November 25, 2015 hanggang December 12, 2015 ay pinangungunahan ng Provincial Committee Against Trafficking – Violence Against Women and Children (PCAT-VAWC) at Provincial Gender and Development Office (PGAD).

 

Ayon pa kay Palayan na bagamat 18-Day Campaign ito, ipinananawagan ng mga GAD at Women Advocates na araw-araw wakasan ang pang-aabuso sa mga kababaihan lalo na sa mga kabataan.

 

“Kung titingnan ang statistics ng VAW o trafficking victim ay lalong dumarami sa kabila ng pagsisikap ng pamahalaan na ipatupad ang napakaraming batas tungkol dito,” dagdag pa ni Palayan.

 

Naniniwala naman si Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na mapipigilan ang karahasan sa mga kababaihan at kabataan kung magtutulungan ang bawat isang mamamayan na palaganapin ang kampanyang ito at magkaroon ng sapat na kaalaman ang bawat isa.

 

Ang kampanya na ngayong taon ay may temang “End VAW Now! It’s Our Duty! Gains and Ways Forward” ay isinasagawa taun-taon sa buong bansa sa bisa Presidential Proclamation No. 1172 at Republic Act 10398 “An Act Declaring November Twenty-Five of Every Year As National Consciousness Day for the Elimination of Violence Against Women and Children.”

 

Layunin nito na mapalakas ang suporta at pakikiisa ng mga duty holder tulad ng nasyonal at lokal na sangay ng pamahalaan, media, at iba’t ibang organisasyon para mawala ang karahasan sa mga kababaihan at kabataan.

 

Gayundin, upang mapanatili at maiayos ang mga polisiya, batas at mekanismo para matigil ang Violence Against Women. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK