Kapitolyo ng Quezon, Paskong Pasko na


 

2015-12-02

 

 

Naging makulay at maliwanag ang buong paligid ng Kapitolyo at Perez Park matapos ang switch-on at lighting ceremony ng pamahalaang panlalawigan noong ika-1 ng Disyembre, 2015.

 

Ang programa na pinasimulan sa pamamagitan ng banal na misa at nagtapos sa engrandeng fireworks display ay pinangunahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez kasama si Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez at tatlong anak.

 

Ayon sa gobernador na nararapat lamang na pasimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng banal na misa upang magpasalamat sa mga biyayang natatanggap ng pamahalaang panlalawigan at buong lalawigan ng Quezon.

 

Napaalaala din aniya dito na ito ay panahon ng pagbibigayan at pagbabahagi ng biyaya sa iba.

 

“So now that we enter the Christmas season, let’s not also forget na marami sa ating mga kababayan ang hindi nabibiyayaan ng kaginhawahan ng buhay, hindi nabibigyan ng pagkakataon para iangat ang kanilang sarili, it’s also our chance to give back,” dagdag pa ng gobernador.

 

Samantala, matapos mapanood at mapakinggan ang mga pamaskong awitin ng mga grupo ng mang-aawit mula sa St. Alfonsus Regional Seminary, Quezon National High School at Quezon Science High School ay ninais ng gobernador na magkaroon ng Christmas Choir Singing Competition sa Perez Park bago sumapit ang Pasko para mas maramdaman ng buong lalawigan ang Christmas Season.

 

Gayundin, inatasan ng gobernador ang Provincial Tourism Office na magsagawa ng iba’t ibang aktibidad/programa sa Perez Park kaugnay ng pagdiriwang ng kapaskuhan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK