Luntiang Katipunero, Sumailalim sa Pagsasanay


 

2015-12-01

 

 

Sumailalim sa capability enhancement training ang isandaan at walumpung (180) luntiang katipunero mula sa mga bayan ng Real, Infanta, General Nakar, Burdeos, Panukulan, Patnanungan, Polilio at Jomalig, kamakailan.

 

Layunin ng naturang pagsasanay na madagdagan at mapalakas ang kaalaman at kakayahan ng mga luntiang katipunero sa larangan ng pangangalaga sa kapaligiran at paghahanda sa kalamidad.

 

Ayon kay Governor David “Jay-Jay” C. Suarez, napakahalaga ng trabaho ng mga luntiang katipunero para makatulong sa mga proyekto at programang ipinatutupad at mga adbokasiyang ipinaglalaban ng kanyang administrasyon partikular sa ilalim ng programang Serbisyong Suarez sa Kalikasan.

 

Ayon pa sa gobernador na dahil sa lumalalang problema ng global warning/climate change, kailangang alam ng bawat isa ang mga gagawin para matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan sa lalawigan ng Quezon.

 

Tungkulin ng mga luntiang katipunero na makipagtalakayan sa mga barangay hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng kapaligiran at ang maaaring maitulong upang makaangkop sa pagbabago ng klima, pagbisita sa mga itinanim na punla ng puno sa barangay sa ilalim ng Securing Quezon’s Future Program.

 

Gayundin, ang paghikayat sa mga kabarangay na paghihiwalay ng basura upang mapakinabangan ang mga nabubulok at nareresiklong basura at walang pakinabang na basura na lamang ang ipakokolekta sa trak ng basura.

 

Ang luntiang katipunero din ang nanghihikayat sa bawat barangay na magpunla ng puno upang magamit sa proyektong pagtatanim at nakikipag-ugnayan sa Provincial Government-Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) at Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor para sa mga kaganapan sa barangay patungkol sa pamamahala ng kapaligiran at paghahanda sa anumang sakuna.

 

Samantala, sa nakalipas na mga linggo ay tapos na ding sumailalim sa katulad na pagsasanay ang mga luntiang katipunero mula sa bayan ng Pagbilao, Mauban, Sampaloc, Lucban, Tayabas at mga bayan at lungsod sa Ikalawang Distrito ng Quezon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK