Palarong Quezon 2015, Nagsimula na


 

2015-11-27

 

 

Magtatagisan ng lakas, galing at talento ang mga batang manlalarong nagwagi at naging kinatawan ng kani-kanilang distrito sa lalawigan ng Quezon para sa taunang palarong panlalawigan na ngayong taon ay isinasagawa sa bayan ng Infanta.

 

Ang pormal na pagsisimula ng Palarong Quezon 2015 o Provincial Meet ay pinangunahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez kasama si DepEd CALABARZON Regional Director Diosdado San Antonio noong November 26, 2015 sa Infanta National High School.

 

Nakiisa din sa pagsisimula ng palarong panlalawigan sina 1st District Congressman Mark Enverga, Bokal Techie Dator at ilang mayor at vice-mayor sa lalawigan ng Quezon.

 

Ayon kay Director San Antonio, ang buong edukasyon ay hindi lamang nangyayari sa loob ng silid-aralan, kaya naman kasama se regular na programa ng Department of Education (DepEd) ang sports.

 

“Naniniwala kami na totoo nga na hindi lang dapat maging magagaling mag-isap, may pusong nagmamahal sa bayan at kapwa kundi mga mamamayang malusog, physically fit ang kailangan upang ang bawat barangay, bayan, buong bansa ay patuloy na uunlad,” dagdag pa ni San Antonio.

 

“Naniniwala din kami na dahil sa mga palarong ito ay nakakapag-develop tayo at napapalakas ang mahahalagang values tulad ng sportsmanship at pagwagi sa tapat na pamamaraan,” ayon pa kay San Antonio.

 

Ang mga magwawagi sa palarong Quezon ang magiging kinatawan ng lalawigan sa gagawing Southern Tagalog CALABARZON Athletic Association Meet (STCAA) sa Dasmariñas, Cavite.

 

Ayon kay Mayor Rodante Potes ng Infanta na host municipality ng naturang palaro na isang karangalan ang pagdausan ng palaro at hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang responsibilidad dahil alam niyang nandyan ang pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Suarez na handang tumulong.

 

Dahil sa kakulangan ng pondo ng pamahalaang lokal ng Infanta, nagkaloob ng karagdagang pondo ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ni Governor Suarez ng halagang kalahating milyong piso o limandaang libong piso (P500,000.00) para sa Palarong Quezon.

 

Bukod sa naturang halaga, nagkaloob din ng personal na tulong pinansyal si Governor Suarez na nagkakahalaga ng limampung libong piso (P50,000.00) bawat distrito.

 

Ayon sa gobernador ang pagbibigay niya ng personal na tulong ay dahil sa layo ng Infanta na naging host ngayong taon ng palarong quezon ay malaki ang kagastusan ng mga batang manlalaro at ng buong delegado para sa transportasyon at pagkain.

 

Ibinalita din ni Governor Suarez na daragdagan niya ang pondo ng DepEd-Quezon para sa pagsasanay ng mga atleta na lalaban sa STCAA dahil saying aniya ang pagkakataon na ang palarong pambansa sa susunod na taon ay gaganapin sa Legaspi City.

 

“Napakalapit na ng Legaspi sa lalawigan ng Quezon at nakakalungkot naman kung kailan ang palarong pambansa ay malapit sa atin ay konti pa ang delegado na manggaling sa lalawigan ng Quezon, and you have the full support of Governor David “Jay-Jay” Suarez,” pahayag ng gobernador.

 

Lubos naman ang pasasalamat ng DepEd-Quezon sa pamumuno ni Dr. Tolentino Aquino, Schools Division Superintendent kay Governor Suarez at pamahalaang panlalawigan sa patuloy na pagbibigay ng tulong at suporta.

 

Ang palarong Quezon ngayong taon ay may temang “Quezonian Athletes: Facing the Challenges Towards Success.”

 

Samantala, nakatakdang isagawa ang palarong Quezon sa susunod na taon sa bayan ng Lopez. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK