Panukalang Karagdagang Tatlong Distrito sa Quezon, Inaprubahan ng Provincial Development Council


 

2015-11-24

 

 

Inaprubahan ng Provincial Development Council ang panukalang karagdagang tatlong distrito sa lalawigan ng Quezon.

 

Ito ang ibinalita ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa mga punong barangay mula sa iba’t ibang bayan sa ikatlong distrito ng lalawigan ng Quezon sa pamamahagi ng health coupon at construction materials sa bawat barangay noong November 20, 2015 sa bayan ng Catanauan.

 

Ayon kay Governor Suarez, tiningnan niya ang sitwasyon ng probinsya at kinumpara sa ibang lalawigan, gayundin kung ano ang mayroon sa ibang lalawigan na mas mabilis umunlad kung ikukumpara sa Quezon.

 

“Ang isa sa katangian na nakita ko sa kanila ay ang dami nilang congressman,” dagdag pa ng gobernador.

 

“Isipin ninyo, ang Cavite kung bubuhatin mo ay kasya sa loob ng Gen. Nakar ngunit sa liit ng probinsya ay mayroong pitong (7) congressman; ang Batangas na medyo malaking probinsya ngunit wala kung ikukumpara sa laki ng Quezon ay may pitong (7) congressman,” paliwanag ng gobernador.

 

Dagdag pa ni Governor Suarez na ang bawat congressman, ang pinakamaliit at pinakamahinang congressman ang natatanggap ay isandaang milyong piso (P100M) na Development Fund na malaki ang maitutulong kung madaragdagan ang distrito at congressman ng lalawigan na kanilang pinag-aralan.

 

Sa panukalang karagdagang tatlong distrito ay magiging pito ang distrito ng Quezon na mahahati ang mga bayan sa mga sumusunod:

 

1st District – Real, Infanta, General Nakar at Polilio Group of Island (Polilio, Jomalig, Patnanungan, Panukulan at Burdeos)

District 1B – Mauban, Tayabas, Sampaloc, Lucban at Pagbilao

District 2A – San Antonio, Tiaong, Dolores, Candelaria at Sariaya

Lone District – Lucena City

BonPen District – Padre Burgos, Agdangan, Unisan, Pitogo, Macalelon, Gen. Luna, Catanauan, Mulanay at San Francisco

Ragay Gulf District – San Andres, San Narciso, Buenavista, Guinayangan at Tagkawayan

4th District – Atimonan, Plaridel, Gumaca, Lopez, Calauag, Alabat, Perez at Quezon

 

Sa bahagi ng Ragay Gulf District, hindi papayagan ni Governor Suarez na hindi aayusin ang connectivity ng limang bayan at kailangang magawa ang Buenavista-Guinayangan Connecting Road at magkokonekta sa Guinayangan papuntang Tagkawayan.

 

Sa bahagi naman ng San Andres-San Narciso Road at San Narciso-Buenavista Road ay kasalukuyang pinagagawa na ni 3rd district Congresswoman Aleta Suarez.

 

Ayon pa sa gobernador na pagkatapos maaprubahan ng Provincial Development Council ang naturang panukala, ang kasunod na gagawin ay magpapagawa ng position paper at ipadadala sa bawat bayan upang marinig ang sintimyento at opinion ng bawat isa tungkol dito.

 

Kaya naman hiniling ng gobernador sa bawat isa na pag-usapan, pag-aralan at pag-isipan ang naturang panukala. (Reygan Mantilla-Quezon PIO) 

 
 
BACK