Libreng Pagbabakuna sa mga Aso at Pusa Laban sa Rabies, Patuloy


 

2015-11-24

 

 

Patuloy ang isinasagawang libreng pagbabakuna sa mga alagang aso at pusa laban sa rabies sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Quezon ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Tangggapan ng Panlalawigang Beterinaryo sa ilalim ng programang Serbisyong Suarez sa Paghahayupan.

 

Sa nakalipas na dalawang linggo, simula November 9 – 20, 2015 ay nagsagawa ng libreng pagbabakuna sa ALQUEREZ na binubuo ng mga bayan ng Alabat, Perez at Quezon, Quezon.

 

Umabot sa 2,745 na aso at 546 na pusa ang nabakunahan at nairehistro ng naturang tanggapan sa nasabing mga bayan.

 

Ayon kay Dr. Flomel Caguicla, Provincial Veterinarian, ang naturang gawain ay tuloy-tuloy na isinasagawa ng kanilang tanggapan sa iba’t ibang bilang suporta sa adhikain ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na maging Rabies Free ang buong lalawigan ng Quezon.

 

Matatandaan na noong nakaraang taon ay nadeklarang Rabies Free Area sa buong Pilipinas ang naturang tatlong bayan na kauna-unahan sa buong rehiyon ng CALABARZON.

 

Naideklarang rabies free area ang ALQUEREZ dahil walang naitalang kaso ng rabies sa tao o hayop sa loob ng limang taon at ang lokal na pamahalaan dito ay may matibay na programa para maiwasan ang rabies sa kani-kanilang bayan.

 

Samantala, bukod sa pagbabakuna sa mga alagang aso at pusa ay nagbigay ng oryentasyon ang tanggapan sa mga opisyal ng barangay ng naturang mga bayan tungkol sa Republic Act 9482 o Anti Rabies Act of 2007.

 

Layunin nito na mabigyan ng sapat na kaalaman at impormasyon ang mga opisyal ng barangay sa mga itinatadhana ng naturang batas partikular sa mga responsibilidad ng mga pet-owner at lokal na pamahalaan.

 

Ang OPV rabies team na umiikot sa bawat bayan ay binubuo nina Dr. Milcah Valente, Melanie Obnamia, Bryan Reynoso, Rommel Dexter Ravalo, Lilibeth Ilagan at Wallen Molera. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK