Health Coupon at Construction Materials, Ipinamahagi sa Mga Kapitan sa Ikatlong Distrito


 

2015-11-23

 

 

Personal na ipinagkaloob ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang karagdagang health coupon sa mga punong barangay mula sa iba’t ibang bayan sa ikatlong distrito ng lalawigan ng Quezon noong ika-20 ng Nobyembre, 2015 sa bayan ng Catanauan.

 

Ang karagdagang health coupon at pangatlo ngayong taon ay nagkakahalaga ng sampung libong pisong halaga ng coupon (P10,000.00) bawat kapitan ng barangay.

 

Ayon kay Governor Suarez sa nakalipas na taon ang mga kapitan ay nakakatanggap lamang dalawang beses sa isang taon, tuwing buwan ng Enero at Agosto.

 

Ang rason sa pagkakaloob ng karagdagang health coupon ayon sa gobernador ay dahil sa sintimyento ng karamihan sa mga kapitan na mabilis maubos ang coupon at nagkakautang pa ang mga ito sa mga pampublikong pagamutan.

 

Pinagbigay-alam din ng gobernador na kailangang maubos ng mga kapitan ang coupon bago matapos ang taong ito dahil ang expiration nito ay sa Dec. 31, 2015.

 

Dagdag pa ng gobernador na sa susunod na taon, ay aagapan ang pamamahagi ng mga health coupon sa mga kapitan upang hindi abutan ng election ban.

 

Ang naturang mga health coupon ay maaaring gamitin sa mga pampublikong pagamutan sa lalawigan ng Quezon bilang pambayad sa mga gastusin o pambili ng gamot sa ospital.

 

Samantala, ipinamahagi na din ng gobernador sa mga punong barangay ang mga construction materials mula sa pamahalaang panlalawigan para sa iba’t ibang pagawain sa barangay.

 

Upang hindi na magastusan ang mga barangay ay mismong ang pamahalaang panlalawigan ang magdadala ng mga materyales sa bawat barangay. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK