Mangosteen Harvesting at Eating Festival, Isinagawa


 

2015-11-23

 

 

Isinagawa ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor ang kauna-unahang Mangosteen Harvesting and Eating Festival noong November 18, 2015 sa Brgy. Gibanga, Tayabas City.

 

Ito ay pinangunahan ng samahan ng Mangosteen Producers Association (MAPROTAS) of Tayabas City at Liga ng mga Kagawad sa Komitiba ng Agrikultura sa Paraan ng Organiko (LIKAS PO).

 

Ayon kay Roberto Gajo, Provincial Agriculturist na layunin ng nasabing proyekto na magtanim ng dekalidad at matamis na mangosteen na nagmula sa lungsod ng Tayabas.

 

Sa nasabing eating festival ay libreng kumain ng prutas ang lahat ng dumalo at iniwan ang mga buto upang muling maitanim sa naturang lugar.

 

Ayon pa kay Gajo, sinasabing ang lungsod ng Tayabas ang may pinakamatamis, masarap na bunga ng mangosteen kaya naman patuloy ang suportang ipinagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Gobernador David “Jay-Jay” C. Suarez sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Agrikultura upang mapalakas ang industriya ng Mangosteen sa lalawigan.

 

Kaugnay nito, ipinagkaloob din sa samahan sa pamamagitan ng pangulo nito na si Dolores Durana ang iba’t ibang agricultural inputs na pinangunahan ni Jenny Suarez bilang kinatawan ng gobernador.

 

Kabilang dito ang 792-bags ng organic fertilizer, 99-bags ng complete fertilizer, 8,500 mangosteen seedling, 1-unit ng power sprayer of 2 drums, 128 litro ng wood vinegar, mangosteen nursery seedlings production project at bio-inoculants.

 

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang naturang samahan sa pamahalaang panlalawigan, sa tanggapan ng panlalawigang agrikultor at kay gobernador Suarez sa patuloy na pagbibigay ng tulong at suporta sa kanila upang mapalakas muli ang industriya sa lungsod ng Tayabas na bumagsak dahil sa mapanirang scale insects na dumapo sa taniman ng mangosteen. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA Info. & Training Unit)

 
 
BACK