Senior Citizen sa Lalawigan ng Quezon, Nagtipon-Tipon


 

2015-11-18

 

 

Humigit-kumulang limang libo’t limang daang senior citizen sa lalawigan ng Quezon ang nagkatipon-tipon sa isinagawang Senior Citizen’s Provincial Convention noong November 17, 2015 sa Quezon Convention Center, Lungsod ng Lucena.

 

Ang taunang pagtitipon ng mga nakatatanda sa lalawigan na pinamahalaan ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office sa pamumuno ni Sonia Leyson ay pinangunahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez.

 

Ayon kay Governor Suarez, nagsisilbing inspirasyon sa administrasyon ang mga senior citizen para maitaguyod ang mga proyekto at programa at pagbabago na ngayon ay pinakikinabangan na ng mga mamamayan.

 

Ayon pa sa gobernador na dinoble ng pamahalaang panlalawigan ang alokasyon na pondo para sa susunod na taon para mas marami pang programa ang maipatupad para sa mga senior citizen sa buong lalawigan.

 

Sa naging pananalita naman ni Cong. Martin Romualdez ng Leyte na naging panauhing pandangal sa pagtitipon, binigyang pagpupugay nito ang mga kontribusyon ng mga senior citizen sa lipunan at binibigyang pagkilala ang lakas, tibay at malasakit na araw-araw na ipinamamalas sa pamilya at sa komunidad ng mga senior citizen.

 

Dagdag pa ng kongresista na makakaasa ang lahat ng nakatatanda na magsisilbing patnubay at gabay ang mga aral, habilin, kaalaman at karanasan sa buhay ng mga ito sa tatahaking landas ng kongresista sa pagiging senador.

 

Samantala, ipinagkaloob ni Governor Suarez ang financial assistance ng pamahalaang panlalawigan sa Provincial Federation of Senior Citizen na nagkakahalaga ng walong daang libong piso (P800,000.00).

 

Ang sektor ng senior citizen ang isa sa mga binibigyan ng pagpapahalaga ni Governor Suarez sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta at ayuda sa mga proyekto at programa para sa kapakinabangan ng mga nakatatanda.

 

Nakiisa din sa naturang pagtitipon sina Vice-Governor Sam Nantes, 3rd District Congresswoman Aleta Suarez, Bokal Jet Suarez, Bokal Beth Sio at Bokal Rodora Tan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK