Biktima ng Sunog sa Macalelon, Tumanggap ng Tulong Mula sa Pamahalaang Panlalawigan


 

2015-11-12

 

 

Personal na ipinagkaloob ni Gobernador David “Jay-Jay” C. Suarez ang tulong pinansyal ng pamahalaang panlalawigan sa mga biktima ng sunog sa bayan ng Macalelon noong ika-11 ng Nobyembre, 2015 sa harap ng pampublikong pamilihang bayan.

 

Tumanggap ng halagang sampung libong piso (P10,000.00) ang pamilyang namatayan sa nangyaring sunog at limang libong piso (P5,000.00) ang bawat pamilyang nasunugan.

 

Ayon sa datos ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) umabot sa limampu’t siyam (59) na pamilya ang nabiktima ng sunog at umabot sa apatnapu’t pito (47) ang bahay at ilang tindahan ang nasunog sa Barangay Masipag sa bahagi ng Macalelon Public Market.

 

Ayon kay Gobernador David “Jay-Jay” C. Suarez na nakakakungkot ang nangyari sa bayan ng Macalelon partikular sa naturang barangay dahil nangyari ang pagsubok kung kailan ilang linggo na lang at pasko na.

 

Dagdag pa ng gobernador na umasa ang mga biktima ng sunog na hindi sila pababayaan ng pamahalaang panlalawigan, ng ama ng lalawigan at ni Congresswoman Aleta Suarez.

 

Bukod sa pinansyal na tulong, makikipag-ugnayan din ang tanggapan ng gobernador kay Macalelon Mayor Nelson Traje para sa mga tulong na maibibigay pa ng pamahalaang panlalawigan sa mga biktima ng sunog tulad ng mga construction materials para makapagpatayo kaagad ng bahay ang mga ito.

 

Lubos naman ang pasasalamat ng punong bayan sa pamahalaang panlalawigan at kay Gobernador Suarez sa mabilis na pagbibigay ng tulong sa kanilang bayan.

 

Ayon kay Mayor Traje, kinagabihan matapos mangyari ang sunog ay kaagad na nakapagpadala ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ng mga family food packs at mga damit para sa mga biktima.

 

Samantala, bukod sa tulong pinansyal ng pamahalaang panlalawigan ay nakatakda ding magkaloob ng karagdagang pinansyal na tulong o Enhance - Aid to Individual in Crisis Situation (E-AICS) si Congresswoman Aleta Suarez sa mga nasunugan.

 

Matatandaan na nangyari ang sunog sa nabanggit na lugar noong Sabado, November 8, 2015, dakong 1:40 ng hapon kung saan isang bata ang namatay at apat ang nasugatan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK