Kooperatiba sa Quezon, Nagkasama-Sama; Buwan ng Kooperatiba Ipinagdiwang


 

2015-11-10

 

 

Mahigit dalawang libo’t limandaang mga miyembro ng iba’t ibang kooperatiba sa buong lalawigan ng Quezon ang nagkasama-sama upang ipagdiwang ang buwan ng kooperatiba sa lalawigan at ika-100 taon ng Cooperative Movement sa bansa noong ika-9 ng Nobyembre, 2015 sa Quezon Convention Center, Lungsod ng Lucena.

 

Ayon kay Governor David “Jay-Jay” C. Suarez, honorary chairperson ng Provincial Cooperative and Development Council (PCDC) na patuloy na lumalakas ang mga kooperatiba sa lalawigan ng Quezon.

 

Dagdag pa ng gobernador na naniniwala siya sa layunin at ipinaglalaban ng mga kooperatiba at sa pamamagitan ng pinagsama-samang kolektibong interes ay makakamit ang kaginhawahan ng buhay.

 

“Pag pinagbigkis at pinagsama natin ang ating kolektibong interes ng kaginhawahan sa buhay at isinasama natin ito at iniuugnay sa mga plano at programa na ipinatutupad ng pamahalaang panlalawigan ay mas madali nating makakamit ang ating pinapangarap sa buhay,” ayon pa sa gobernador.

 

Ayon pa sa gobernador na sa pamamagitan ng pagpapalakas ng boses ng mga kooperatiba ay magiging bahagi na ang mga ito sa mga programa at proyektong ipinatutupad ng pamahalaang panlalawigan para sa mamamayan at maging tunay na kaagapay sa pangarap na mabigyan ng magandang buhay ang bawat pamilyang Quezonian.

 

Binabati at pinapurihan naman ni dating TESDA Secretary Joel Villanueva na naging panauhing tagapagsalita si Governor Suarez sa kanyang hindi matatawarang mga kontribusyon para palaguin at magkaroon ng progresibong pamamaraan upang lalong umunlad ang mga kooperatiba.

 

Hinikayat naman ni Regional Director Salvador Valeroso ng Cooperative Development Authority (CDA) Region 4 ang lahat ng mga kooperatiba na tulungan ang iba upang sa pamamagitan ng kooperatiba ay tunay na makamit ang hinahangad na pangkabuhayang pag-unlad, katarungang panlipunan at pagkakapantay-pantay na napakalaking hamon sa lahat ng kooperatiba.


Samantala, isinagawa sa naturang pagdiriwang ang turn-over ceremony ng financial assistance mula sa pamahalaang panlalawigan sa 56 kooperatiba sa Quezon sa ilalim ng programang Co-Enhance ng Serbisyong Suarez sa Kooperatiba.

 

Ang pagdiriwang na pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng PCDC katuwang ang Real, Infanta at General Nakar Municipal Cooperative Development Council ay may temang “Kooperatiba: Katuwang ng Lalawigan Tungo sa Kaunlaran.”

 

Nakiisa din sa naturang pagtitipon sina Vice-Governor Sam Nantes, Bokal Techie Dator bilang Chairperson ng PCDC, Bokal Alona Obispo, Bokal Beth Sio, Provincial Administrator Rommel Edaño at ilang pinuno ng tanggapan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK