Buwan ng Kooperatiba, Ipagdiriwang sa Lalawigan Ng Quezon


 

2015-11-06

 

 

Magtitipon-tipon ang lahat ng kooperatiba sa buong lalawigan ng Quezon upang ipagdiwang ang Buwan ng Kooperatiba na pangungunahan ng Provincial Cooperative Development Council (PCDC) sa ika-9 ng Nobyembre, 2015 sa Quezon Convention Center.

 

Ayon kay Roberto Gajo, Acting Provincial Cooperative Development Officer na layunin ng pagdiriwang na lalong palakasin ang mga kooperatiba sa lalawigan ng Quezon at lalong matulungan na umunlad ang mga kasapi nito.

 

Sa naturang pagtitipon ay muling bibisitahin ang kasalukuyang katatayuan at mga proyektong isinasagawa ng mga kooperatiba sa lalawigan sa nakalipas na isang taon, kooperatibang natulungan at nabigyan ng ayuda ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng Cooperative Livelihood Program ng Serbisyong Suarez sa Kooperatiba.

 

Matatandaan na kamakailan lang ay nagkaloob ang Serbisyong Suarez sa Kooperatiba ng tulong sa ilang kooperatiba sa lalawigan tulad ng Infanta Development Cooperative (INDECO), Infanta Gen. Nakar Producers Coop (INGENPC), Hardin ng Kalikasan Multi-Purpose Cooperative (HKMPC) sa Real, Mamala Multi-Purpose Cooperative (MMPC) at Pili Farmers Multi-Purpose Cooperative (PFMPC) sa Sariaya, Balubad Multi-Purpose Cooperative (BMPC) sa Atimonan, Batok Toro Water Services Cooperative (BTWSC) sa Mauban, Lucban Environmentalist Agro-Forestry Multi-Purpose Coop (LEAFMPC), Fisheries Iringan sa Hanap-buhay Primary Service Cooperative (FISHPSC), Bagong Buhay sa Maulawin Multi-Purpose Coop (BBMMPC) sa Pagbilao at St. Terese Multi-Purpose Cooperative (STMPC).

 

Isa sa tinututukan ngayon ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang magkaroon ng economic development at programang pangkabuhayan na pangmatagalan ang mga mamamayan sa lalawigan ng Quezon at ito ay sa pamamagitan ng mga kooperatiba.

 

Naniniwala si Governor Suarez na kaagapay ng pamahalaang panlalawigan ang sektor ng kooperatiba sa pagpapataas ng antas ng pamumuhay ng bawat pamilyang Quezonian.

 

Magiging panauhing sa naturang pagdiriwang na may temang “Kooperatiba: Katuwang ng Lalawigan Tungo sa Kaunlaran” sina Governor Suarez at dating TESDA Director General Joel Villanueva. (Reygan I. Mantilla-Quezon PIO/OPA-Info Unit)

 
 
BACK