Meat Inspector sa Lalawigan ng Quezon, Sumailalim sa Pagsasanay


 

2015-11-06

 

 

Sumailalim sa dalawang araw na pagsasanay ang dalawampu’t dalawang (22) city/municipal meat inspector mula sa labing-tatlong bayan (13) at dalawang (2) lungsod sa lalawigan ng Quezon, kamakailan.

 

Ang pagsasanay na Livestock Diseases, Anatomy and Physiology of Swine ay kaugnay ng pag-obserba sa Meat Safety Consciousness Week sa lalawigan ng Quezon na bahagi ng programa ng Provincial Veterinary Office.

 

Ayon kay Dr. Dr. Flomella Caguicla, Provincial Veterinarian na layunin nito na mabigyan ng karagdagang kaalaman at impormasyon ang mga meat inspector ng pagsuri at pagtukoy ng abnormalities at sakit ng hayop partikular ang baka at baboy, bago at pagkakatay nito sa bahay-katayan.

 

Ayon pa kay Caguicla na sa pamamagitan din ng pagsasanay na ito ay madaragdagan ang kakayahan ng mga meat inspector sa pagsusuri ng mga karneng kinokonsumo ng publiko at maiwasan ang pagkalat ng mga hindi ligtas na kaining karne.

 

Isa sa atas ni Governor David “Jay-Jay’ C. Suarez sa Office of the Provincial Veterinarian na siguraduhing malinis at ligtas kainin ang mga karneng kinakatay sa lalawigan ng Quezon, gayundin ang mga karneng pumapasok sa probinsya.

 

Kabilang din sa programa ng Office of the Provincial Veterinarian sa pagsisiguro na malinis at ligtas ang mga karne ay ang pagsasagawa ng pagsasanay para sa good hygienic slaughtering pratices para sa mga meat vendor at meat butcher sa bawat bayan sa lalawigan ng Quezon.

 

Patuloy ding nagsasagawa ang tanggapan ng pagbisita sa mga bahay-katayan sa buong lalawigan ng Quezon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK