Ika-174 Taon ng Kamatayan ni Hermano Puli, Ginunita


 

2015-11-05

 

 

Pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon at pamahalaang bayan ng Lucban ang pagbibigay pugay sa ika-174 na taon ng kamatayan at kabayanihan ni Apolinario dela Cruz o mas kilala sa tawag na Hermano Puli noong ika-4 ng Nobyembre, 2015 sa Sitio Pandak, Barangay Nalunao, Lucban, Quezon.

 

Ang pagpupugay isinagawa sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Hermano Puli sa pangunguna nina Vice-Governor Sam Nantes bilang kinatawan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez, Lucban Mayor Olivier Dator at Brigadier General Roderick Parayno.

 

Nagbigay din ng pagpupugay ang Southern Luzon Command (SOLCOM) ng Philippine Army sa pamamagitan ng 21-gun salute.

 

Ayon kay Atty. Gilbert Camaligan, Tagapangulo ng Hermano Puli Committee na isinagawa ang pag-aalay ng bulaklak kay Hermano Puli sa bayan ng Lucban partikular sa Sitio Pandak dahil minarapat ng komitiba na isagawa ito ngayong taon sa naturang lugar kung saan isinilang si Puli na nagdiwang ng ika-200 taong kapanganakan noong Hulyo 23, 2015.

 

Sa pamamagitan ng mga gawaing ito ay umaasa si Camaligan na maikintal sa mga kabataang mag-aaral sa kasalukuyan na ang kabayanihan ay hindi nasasayang kundi nagbubunga ng pagkilala.

 

Ayon naman kay Mayor Dator na tayo bilang mga makabagong Hermano Puli ang huhubog ng ating kasaysayan gamit ang mga idelohiyang itinuro ni Hermano Puli.

 

Gayundin, upang muling maipaalaala at mapag-alab ang puso ng bawat isa ang mitsa at liwanag na dulot ng pagbabago at pag-asa.

 

Dumalo sa naturang pagbibigay pugay na “Puli: Ating Bayani” ang mga kawani ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Provincial Administrator Rommel Edaño, Bokal Techie Dator, ilang nasyonal na tanggapan ng pamahalaan, kawani ng pamahalaang bayan ng Lucban, opisyal ng mga barangay, iba’t ibang paaralan at samahan sa naturang bayan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK