Kampanya Laban sa Filariasis, Patuloy


 

2015-11-05

 

 

Patuloy ang kampanya ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) ang malawakang kampanya sa buong lalawigan para masugpo ang sakit na filariasis.

 

Sa isinagawang pag-aalay ng bulaklak sa dambana ni Apolinario dela Cruz o mas kilala sa tawag na Hermano Puli sa Sitio Pandak, Brgy. Nalunao sa bayan ng Lucban ay namahagi ang mga tauhan ng IPHO ng libreng mga gamot sa lahat ng dumalo sa naturang aktibidad.

 

Ang pamamahagi ng libreng mga gamot ay kaugnay ng ginugunitang Filariasis Awareness ngayong buong buwan ng Nobyembre at Mass Drug Administration Month sa buong lalawigan na may temang “Ikaw at Ako Sama-Sama Tayo sa Pagsupo ng Filaria sa Lalawigan ng Quezon.”

 

Katuwang ng IPHO sa naturang proyekto ang Department of Health (DOH) Regional Office 4A-CALABARZON at mga city/municipal health office sa lalawigan ng Quezon.

 

Base sa datos ng IPHO, ang lalawigan ng Quezon ay idineklarang endemic for Filariasis noong 2010 dahil sa naging resulta ng pagsusuri sa bayan ng Alabat at Burdeos at dahil sa pagsasagawa ng mass administration sa nabanggit na mga bayan ay napababa ang kaso nito noong 2013.

 

Ang mass drug administration ay pagtugon o pagsunod sa mungkahi ng World Health Organization na ito ang pinakamahusay at pinakamurang paraan at epektibo para maiwasan o matigil ang pagkalat ng microfilaria na nalilipat sa tao dahil sa lamok.

 

Kaya naman hinihikayat ng IPHO ang lahat sa sama-samang pagkilos at kooperasyon ng bawat isa sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot na diethylcarbamazine citrate at albendazole isang beses isang taon sa loob ng limang taon na sunud-sunod para magkaroon ng katuparan ang hangarin ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na madeklarang Filariasis Free ang lalawigan ng Quezon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK