Kabayanihan ni Hermano Puli, Gugunitain


 

2015-10-30

 

 

Muling gugunitain ng buong lalawigan ng Quezon sa pangunguna ng pamahalaang panlalawigan ang ika-174 taong kabayanihan ni Apolinario dela Cruz o mas kilala sa tawag na Hermano Puli sa ika-4 ng Nobyembre, 2015.

 

Ang paggunita at pagpaparangal kay Hermano Puli ay isasagawa sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa bantayog nito sa Brgy. Isabang, Lungsod ng Tayabas.

 

Ang pag-aalay ng bulaklak ay dadaluhan ng mga opisyal at kawani ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon, pamahalaang bayan at lungsod, Kagawaran ng Edukasyon, mga guro, mag-aaral, at iba’t ibang samahan at organisasyon sa lalawigan ng Quezon.

 

Ayon sa Hermano Puli Memorial Committee na kailangang gunitain ang kabayanihan ni Puli dahil marami pa rin sa kasalukuyan ang hindi nakakakilala dito na bayaning nagmula mismo sa lalawigan ng Quezon na ipinaglaban ang kalayaan sa pananampalataya.

 

Kaugnay nito, idineklarang special non-working holiday ang November 4 sa buong lalawigan ng Quezon sa bisa ng Proclamation No. 1143 na nilagdaan ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. bilang pagkilala sa kabayanihan ni Hermano Puli.

 

Si Hermano Puli ay isinilang noong ika-23 ng Hulyo, 1814 sa Sitio Pandak, Lucban, Tayabas (ngayon ay Quezon) kina Pablo dela Cruz at Juana Andres.  Ninais niyang maging pari ngunit hindi pinapayagan noong panahon ng mga kastila na maging pari ang isang Indio (tawag sa mga Pilipino). Itinatag niya ang Confradia de San Jose, na naging tagapagtanggol ng kalayaan sa pananampalataya at ng karapatang panlipunan.

 

Si Hermano Puli ay nahuli, nilitis at hinatulan ng kamatayan noong ika-4 ng Nobyembre, 1841. Pinaghiwa-hiwalay ang iba’t ibang parte ng katawan ni Hermano Puli, ang ulo ay inilagay sa harap ng bahay niya at ang mga kamay at paa ay inilagay sa apat na sulok ng lucban kung saan pumapasok at lumalabas ang mga tao. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK