Status ng Herbal Products at Processing sa Quezon, Pinag-Usapan


 

2015-10-29

 

 

Nagkasama-sama sa kauna-unahang pagkakataon ang mga processors at manufacturers ng herbal products sa lalawigan ng Quezon sa ginanap na pagpupulong noong ika-28 ng Oktubre, 2015 sa Audio-Visual Room ng Quezon Convention Center.

 

Ang pagpupulong na dinaluhan ng nasa 70 katao mula sa labing-anim (16) na bayan sa Quezon ay may layuning alamin ang antas ng herbal processing sa Quezon kabilang ang produksyon at suplay ng raw materials, product development at marketing.

 

Ayon kay Roberto Gajo, Provincial Agriculturist na nangasiwa sa naturang pagpupulong na sa ganitong paraan malalaman kung ano ang magiging tulong ng pamahalaang panlalawigan sa mga ito. 

 

Ipinaabot din ni Gajo ang patuloy na suporta ng pamahalaang panlalawigan para sa mga nagsisimula pa lamang ng kanilang maliliit na negosyo para sa herbal products tulad ng pamimigay ng mga binhi, dagdag na kaalaman sa mga nagnanais pang matuto sa paraang pagproseso ng mga dekalidad na halamang gamot.

 

Ang Quezon Herbal Program na ipinatutupad sa kasalukuyan ng pamahalaang panlalawigan ay isa sa mga prayoridad na programa ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez para sa pagpapanatili ng kalusugan at karagdagang kita ng mga mamamayan upang maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay.

 

Samantala, natunghayan din sa naganap na pagpupulong ang iba’t ibang produkto ng Quezon tulad ng instant turmeric tea, salabat ginger, oregano vinegar, tablea-pure cacao at marami pang iba. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA Info. Unit)

 
 
BACK