Programang Pangkabuhayan para sa mga Magsasaka ng Niyog, Nagsimula Na


 

2015-10-28

 

 

“May pera sa bunot,” ito ang napatunayan ng mga magsasakang naging beneficiaries ng proyektong pangkabuhayan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Agrikultura.

 

Ito’y matapos sumailalim sa training/seminar on coconut business opportunities (coco fiber utilization) ang halos animnapung (60) magsasaka na ginawa sa Office of the Provincial Agriculturist Conference Hall sa Barangay Talipan, Pagbilao, Quezon noong October 27, 2015.

 

Ayon kay Roberto Gajo, Provincial Agriculturist na ang naturang pagsasanay ay may layuning magbalangkas ng isang plano upang mapaunlad ang industriya ng niyog sa lalawigan ng Quezon.

 

Gayundin, pagkakaroon ng oportunidad upang magkaroon ng dagdag kita mula sa coconut twine utilization at ng iba pang produkto kaugnay nito at higit sa lahat ay upang palakasin ang industriya ng pagniniyugan sa lalawigan.

 

Ayon pa kay Gajo na naisakatuparan ang programang ito sa hangarin ni Gobernador Suarez na maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga magniniyog sa pamamagitan ng pagproseso sa iba’t ibang produkto tulad ng coco fiber o coco coir.

 

Ayon naman kay Erlene Manohar, PCA Regional Manager na sa pagtutulungan ng pamahalaang panlalawigan at lalo’t higit ng mga magsasaka ng niyog ay higit na magiging matagumpay at makikilala sa industriya ng niyog.

 

Ang puno ng niyog aniya ay may isanlibo’t isang (1,001) produkto na maaaring gawin kaya’t walang nasasayang sa puno o bunga ng niyog.

 

Ang seminar/training ay pinangunahan ni Luisito Peñamora, OIC Center Manager ng Zamboanga Research Center at tinalakay ang tungkol sa utilization of coir in the production of high value coir-based products, fabrication of equipment/machineries at economic opportunities of coir-based industry.

 

Nagkaroon din ng hands-on demonstration upang lalong makita ng mga magniniyog ang tamang paraan ng pagpapatakbo ng decorticating machine at ang tinatawag na twining.

 

Nagsagawa din ng plano ang bawat sektor kung ano ang mga bagay na dapat isagawa nila sa pagpapaunlad ng industriya ng niyog sa lalawigan.

 

Ang naturang programa ay pinamamahalaan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor sa pamumuno ni Roberto Gajo at sa pagsubaybay ni Redempta Querubin, Supervising Agriculturist/Chief Coconut Development Division. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA-Info. & Training Unit)

 
 
BACK