Rabies Awareness Campaign, Tuloy-Tuloy


 

2015-10-27

 

 

Tuloy-tuloy ang isinasagawang rabies awareness campaign at libreng pagbabakuna ng mga alagang aso at pusa laban sa rabis sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Quezon ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Tangggapan ng Panlalawigang Beterinaryo sa ilalim ng programang Serbisyong Suarez sa Paghahayupan.

 

Sa nakalipas na mga araw ay nagsagawa ng libreng pagbabakuna sa bayan ng San Narciso, Mulanay at Sampaloc.

 

Umabot sa 2,063 aso at 162 pusa ang nabakunahan at nairehistro ng naturang tanggapan sa nasabing mga bayan.

 

Ayon kay Dr. Flomella Caguicla, Provincial Veterinarian, ang naturang gawain ay regular na programa ng kanyang tanggapan bilang suporta sa adhikain ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na maging Rabies Free ang buong lalawigan ng Quezon.

 

Matatandaan na noong nakaraang taon ay nadeklarang Rabies Free Area sa buong Pilipinas ang tatlong bayan sa lalawigan ng Quezon, ang Alabat, Perez at Quezon na kauna-unahan sa buong Region IV-A o CALABARZON.

 

Idinideklara ang mga lugar kapag walang naitalang kaso ng rabies sa tao o hayop sa loob ng limang taon at ang lokal na pamahalaan ay may matibay na programa upang maiwasan ang rabies sa lugar.

 

Bukod sa pagbabakuna ng mga alagang aso at pusa, nagbibigay din ang naturang tanggapan ng mga mahahalagang impormasyon sa mga pet owner ng tungkol sa pagiging isang responsableng tagapag-alaga ng hayop. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK