Naapektuhan ng Bagyong Lando sa Reina Area, Napagkalooban ng Relief Goods


 

2015-10-26

 

 

Kaagad na namahagi ng mga family food packs o relief goods ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon na pinangunahan ni Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez kasama ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa mga nasalanta ng bagyong Lando sa bayan ng Real, Infanta at General Nakar.

 

Sa pahayag ni Sonia Leyson, Provincial Social Welfare and Development Officer sa isinagawang flag raising ceremony ng pamahalaang panlalawigan ay nakita nila sa pagpunta sa naturang mga bayan ang epekto ng bagyong Lando tulad ng bagsak na mga poste, puno at tanggal na mga bubong ng bahay.

 

Ayon pa kay Leyson na sa kasalukuyan ay hindi pa kumpleto ang datos ng kanilang tanggapan sa kabuuang bilang ng mga nasirang mga bahay at apektadong pamilya dahil sa layo ng ilang barangay sa mga naturang bayan partikular sa Barangay Umiray ng General Nakar.

 

Sa inisyal na datos, ang bilang ng pamilyang naapektuhan ng bagyong Lando ay 10,537 na may indibidwal na bilang na 51,767, totally damage na mga bahay ay 369 at partially damage ay 5,878 bahay.

 

Dagdag pa ni Leyson na noong linggo, October 25 ay nabigyan na ng relief goods ang mga pamilyang naapektuhan sa Barangay Umiray sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa DSWD Region 3 na malapit sa naturang barangay.

 

Kaagad na kumilos ang PSWDO katuwang ang ilang tanggapan sa pamahalaang panlalawigan sa atas ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na magbigay ng agarang tulong sa mga naapektuhan ng bagyo sa REINA area.

 

Samantala, nagsagawa na ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa pamumuno ni Dr. Henry Buzar sa pamamagitan ng aerial survey ng pinsala ng Bagyong Lando sa Brgy. Umiray, Gen. Nakar at ilang lugar sa Infanta, Quezon sa tulong ng PAF-505th Wing, Quezon TOG-4, PA-1IB at PNP Gen. Nakar MPS. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK