Kooperatiba sa Ikalawang Distrito, Sumailalim sa Pagsasanay


 

2015-10-26

 

 

Sumailalim sa dalawang araw na pagsasanay ang isandaan at labintatlong (113) opisyal at kasapi ng dalawampu’t limang (25) kooperatiba mula sa ikalawang distrito ng lalawigan ng Quezon noong October 22 – 23, 2015 sa Ouan’s Worth Farm sa lungsod ng Lucena.

 

Ayon kay Roberto Gajo, Acting Provincial Cooperative Development Officer na ang naturang pagsasanay ay isa sa mga mandatory training na itinatakda ng Cooperative Development Authority (CDA) para sa lahat ng kooperatiba at noong nakalipas na buwan ay sumailalim din sa katulad na pagsasanay ang mga kooperatiba mula sa una at ikaapat na distrito ng lalawigan.

 

Dagdag pa ni Gajo na ito ay binigyang pansin ng Serbisyong Suarez sa Kooperatiba na pangunahing binibigyan ng suporta ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez.

 

Layunin ng naturang pagsasanay na mabigyan ng kakayahan ang mga kasapi at opisyal ng kooperatiba sa Quezon sa pangangasiwa ng mga samahan at proyektong pangkabuhayan.

 

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga sumailalim sa pagsasanay kay Governor Suarez sa pagbibigay ng halaga sa sektor ng kooperatiba at sa pamamagitan nito ay marami silang natutunan sa pagpapaunlad ng kani-kanilang mga samahan.

 

Ang pagsasanay ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng pamahalaang panlalawigan at Department of Agrarian Reform (DAR) - I sa pangunguna ni Leonila Conrado na nagsilbing tagapagsanay. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK