Programang Pangkabuhayan, Handog sa Pamilyang Magsasaka


 

2015-10-26

 

 

Tutulungan ng pamahalaang paanlalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang bawat pamilyang magsasaka sa lalawigan sa pamamagitan ng programang pangkabuhayan na Coco Fiber Utilization o village-type fiber utilization project.

 

Ayon kay Roberto Gajo, Provincial Agriculturist na sa pamamagitan ng naturang programa ay mabibigyan ng hanapbuhay ang humigit-kumulang na 30-40% na populasyon ng isang barangay.

 

Ang mga gagawing produkto ay magmumula sa bunot ng niyog na hindi napapansin na maaaring mapakinabangan at maging pangunahing pagmulan ng pagkakakitaan.

 

Ayon pa kay Gajo na ang naturang proyekto ay isang Public-Private Partnership na may layuning mailapit sa mga pribadong kumpanya ang serbisyo ng pamahalaang panlalawigan at mas lalong maging maayos at mabilis ang paglago ng ekonomiya ng isang lugar.

 

Ang ilan sa maaaring pagkagamitan o gawing negosyo galing sa coco coir o coco fiber na isinasagawa ng proyekto ay coco peat na maaaring gawing pataba, briquette, stuffed toys at decorative materials; biologs laban sa pagbaha; twine ropes; coco mats/geonets.

 

Sa pagpapatupad ng naturang programa ay may mga alituntunin na sinusunod kabilang ang pangongolekta ng bunot mula sa mga magniniyog, paghihiwalay ng coco coir sa bunot sa pamamagitan ng decorticating machine, pag-compress sa nakuhang fiber, pag-deliver sa mga miyembro ng organisasyon, paglalala (twining and weaving) at pag-pick-up ng final product na geonets pabalik sa planta.

 

Ayon kay Redempta Querubin ng Coconut Development Division ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor na namamahala ng proyekto ay may mga kasunod pang mga plano tulad ng replication ng proyekto sa iba pang barangay, pagpupundar ng mga makabagong kagamitan, pagdaragdag ng iba pang produkto mula sa coco fiber at maging isang ganap na kooperatiba ang bawat samahang mabubuo. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA-Info. Unit)

 
 
BACK