42 Magsasaka sa Infanta, Nagtapos sa Quezon Agri-Eskwela


 

2015-01-05

 

 

Apatnapu’t dalawang (42) magsasaka mula sa bayan ng Infanta ang nagtapos sa Quezon Agri-Eskwela ng organikong pagtatanim ng gulay na pinangasiwaan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Agrikultura na sinusuportahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez.

 

Ang naturang mga magsasaka ay nagmula sa labing-isang barangay ng nasabing bayan at isinagawa ang kanilang pagtatapos sa Brgy. Catambungan, Infanta, Quezon noong nakaraang linggo.

 

Ayon kay Roberto Gajo, Provincial Agriculturist, ang Quezon Agri-Eskwela ay isang programa na may layuning maturuan ang mga magsasaka ng mga makabagong teknolohiya sa paraan ng pagtatanim ng gulay, tipid at ligtas para sa pang-araw-araw na pagkain.

 

Ang organikong pagtatanim ng gulay ay nakapaloob din sa Participatory Guarantee System (PGS) na layuning palakasin ang mga maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng pagpapanatili ng integridad at kalidad ng mga organikong produkto.

 

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Infanta Mayor Rodante Potes kay Governor Suarez at sa mga bumubuo ng programa lalo’t higit sa mga magsasaka na nagsipagtapos.

 

Ayon kay Mayor Potes, malaki ang naging sakripisyo ng mga magsasaka sapagkat sumailalim sila sa labing-anim na linggong pagsasanay.

 

Ito ayon pa sa punong bayan ay magiging panimula ng kanilang bayan para sa pagtatanim ng mga organikong gulay at bahagi na din ito ng pag-unlad at pagiging masipag ng mga magsasaka.

 

Nakiisa din sa pagtatapos ng mga magsasaka si Kon. Noli Villamor, Komitiba ng Agrikultura ng Sangguniang Bayan, Pambayang Agrikultor Eda Mendoza, Pangulo ng Quezon Vegetable Industry Council (QVIC) na si Lolito Romantiko, kinatawan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor na si Ma. Leonillie Dimalaluan – ACC II/HVCDP Coordinator at ilang kawani, Arlina Reyes at Joel Lapay bilang mga tagapagsanay. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA-Info. & Training Unit)

 
 
BACK