Organikong Pagtatanim ng Gulay, Itinuro sa Quezon Agri-Eskwela


 

2015-09-30

 

 

 

Tatlumpung (30) magsasaka mula sa bayan ng General Nakar ang nagtapos sa Quezon Agri-Eskwela na pinangasiwaan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Agrikultura.

 

Ayon kay Provincial Agriculturist Roberto Gajo, ang Quezon Agri-Eskwela ay isang pagsasanay o pagtuturo sa mga magsasaka sa larangan ng Organikong Pagtatanim ng Gulay na programa ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez.

 

Ang pagsasanay na tumagal ng labing-anim (16) na linggo ay may layuning maturuan ang mga magsasaka ng mga makabagong teknolohiya sa larangan ng organikong pagtatanim ng gulay at mapataas ang produksyon nito.

 

Malaking tulong aniya ang naturang pagsasanay para sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga magsasaka sapagkat bukod sa sarili na nila itong tanim, ligtas at tipid sa anumang uri ng pataba ay makakatulong din para mapangalagaan ang kalikasan.

 

Ayon pa kay Gajo na ang lalawigan ng Quezon ay muling nakikilala sa mga natatanging magsasaka sa larangan ng pagtatanim ng gulay kaya naman patuloy ang suportang ipinagkakaloob ni Governor Suarez sa sektor ng agrikultura.

 

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Mayor Leovigildo Ruzol ng General Nakar bilang Executive Vice-President ng League of Organic Municipalities sa buong bansa.

 

Natitiyak ani Ruzol na ang lahat ng mga itatanim na klase ng gulay sa kanilang bayan o maging sa buong lalawigan ng Quezon ay nakakasiguradong ligtas.

 

Dagdag pa ng punong bayan na isa din ito na magiging proyekto ng nasabing bayan na magiging simula ng community gardening.

 

Ipinaabot din ng punong bayan ang kanyang pasasalamat kay Governor Suarez at sa panlalawigang agrikultor sa malaking tulong na ipinagkakaloob at sa tanggapan ng kanilang pambayang agrikultor sa pamumuno ni John Leo Tena sa patuloy na suporta sa nasabing programa pagdating sa pag-oorganiko.

 

Bukod sa punong bayan, dumalo din sa naturang pagtatapos ang Sangguniang Bayan Komitiba ng Agrikultura na si Kon. Apolonio Ruzol, kinatawan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor na si Ma. Leonillie Dimalaluan – ACC II/HVCDP Coordinator at ilang kawani, Arlina Reyes at Joel Lapay bilang mga tagapagsanay. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA-Info. & Training Unit) 

 
 
BACK