Major Surgical Mission, Isinagawa sa Bondoc Peninsula District Hospital


 

2015-09-29

 

 

Matagumpay na naoperahan ang mahigit isandaang pasyente mula sa ikatlong distrito at ibang bayan sa lalawigan ng Quezon sa isinagawang Major Surgical Mission noong September 21 - 25 sa Bondoc Peninsula District Hospital, Catanauan, Quezon.

 

Sa tatlong araw na surgical operation na isinagawa ng grupo ng mga doctor at nurse mula sa Manila Adventist Medical Canter sa pangunguna ni Dr. Archie Lamadrid ay umabot sa 118 pasyente ang naoperahan na may bukol sa iba’t ibang bahagi ng katawan, mayoma, goiter, loslos at iba pa.

 

Ayon kay Dr. Lamadrid ang naturang libreng surgical operation ay magkatuwang na proyekto ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa pamamagitan ng Serbisyong Suarez sa Kalusugan, tanggapan ni 3rd District Congresswoman Aleta Suarez at ng kanilang grupo.

 

Ayon pa kay Dr. Lamadrid na maraming beses na silang nakapagsagawa ng libreng minor at major surgical operation sa lalawigan ng Quezon at magtutuloy-tuloy pa dahil dito nila naramdaman ang kooperasyon ng mga namumuno mula sa gobernador hanggang sa ibaba.

 

“Hindi katulad sa ibang probinsya, nagpupunta na nga kami, inaalok namin ang aming serbisyo, dala na namin ang mga gamot ayaw pa din tanggapan,” dagdag pa ni Dr. Lamadrid.

 

Nagpahayag din ng paghanga at papuri ang naturang doktor kay Governor Suarez sa pagbibigay ng serbisyo at napakadaling kausap kapag kapakanan ng kalusugan ng kanyang nasasakupan ang nakasalalay.

 

Ang pangangalaga sa kalusugan ng mga mamamayan ng lalawigan ng Quezon ang higit na binibigyan ng prayoridad ni Governor Suarez na sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang civic organization na nagdadala ng mga doctor at surgeon ay nabibigyan ng pagkakataon ang Quezonian na makapagpaopera ng libre.

 

Lubos naman ang pasasalamat ng mga pasyenteng libreng naoperahan kay Governor Suarez, Cong. Aleta Suarez at sa mga doktor na nagsagawa ng operasyon na libre silang nakapagpa-opera at pagkakaloob ng libreng gamot.(Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK