Kiwanis at Pamahalaang Panlalawigan, magiging Magkatuwang sa mga Programa para sa mga Bata


 

2015-09-29

 

 

Kiwanis Induction. (L-R) Division 4C Lt. Gov. Vincent Tañola, Provincial Administrator Rommel Edaño, KC Lucena Pres. Janet Buelo and Philippine Luzon District Immediate Past Governor Att. Melvin Mendoza during the KC Lucena's 42nd Installation of Officers and Induction of New Members.

 

Magiging magkatuwang ang Kiwanis Club of Lucena City at pamahalaang panlalawigan sa mga programang ipinatutupad at ipatutupad ng samahan para sa kapakanan ng mga bata sa komunidad.

 

Ito ang ipinahayag ni Provincial Administrator Rommel Edaño na naging kinatawan ni 3rd District Congresswoman Aleta Suarez sa isinagawang 42nd Installation of Officer and Induction of New Members ng Kiwanis Club of Lucena City noong September 26, 2015 sa Queen Margaret Hotel, Brgy. Domoit, Lungsod ng Lucena.

 

Ayon kay Edaño, ang isa sa pangunahing tinututukan sa kasalukuyan ng administrasyon ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ay ang pagpapababa ng kaso ng kahirapan at malnutrisyon sa pamamagitan ng ipatutupad na Quezon’s 1000 (Q1K) o pagtutok sa unang isanlibong araw ng sanggol simula pagbubuntis ng ina hanggang sa bago mag-tatlong taon ang sanggol sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga sapat na bakuna, tamang nutrisyon at iba pa.

 

Maaaring makatuwang din ang samahan ng pamahalaang panlalawigan sa pagkakaloob ng malinis na inuming tubig sa komunidad sa pamamagitan ng mga ipinagagawang mga water filtration facility sa iba’t ibang bayan.

 

Ayon naman kay Ma. Janet Geneblazo-Buelo, bagong talagang pangulo ng samahan na pangunahing tinututukan ng naturang samahan at Kiwanis International sa kabuuan ay “Serving the Children of the World.”

 

Dagdag pa ni Buelo na bagama’t nakatutok ang kanilang mga ipinatutupad na programa para sa kapakanan ng mga bata ay patuloy namang nagbibigay ng serbisyo ang Kiwanis Home for the Indigent Aged Foundation Inc. sa mga nakatatandang wala nang pamilya.

 

Sa naging mensahe naman ni Atty. Melvin Mendoza, Immediate Past District Governor na malaking bagay na ang isang samahan tulad ng Kiwanis Club ay katuwang ng pamahalaan sa paglilingkod sa komunidad.

 

Nagpahayag din ng pasasalamat si Atty. Mendoza kay Governor Suarez sa pagkakaloob ng halagang P200,000.00 bilang tulong sa katatapos lamang na Kiwanis Philippine Luzon District Convention sa Batis Aramin sa bayan ng Lucban.

 

Samantala, pinagkalooban naman ng plake ng pagkilala at pasasalamat ng samahan ang ilang organisasyon at indibidwal na patuloy na tumutulong at sumusuporta sa mga programa ng KC Lucena kabilang ang SM Foundation at SM City Lucena, Calayan Educational Foundation Inc., Datamex, Carlos Drug Inc., Luisa & Daughter Restaurant, Mt. Carmel Diocesan General Hospital, St. Anne College Inc., Apolinario R. Aves Foundation Inc., Claro Jose, DQT Builders Corporation/Domingo Tan, Manuel S. Enverga University Foundation, Quickloan Pawnshop Inc., Governor David C. Suarez, Roberto Tabio Jr., Alicia Lacuesta, Dra. Miriam Bayaua, Godofredo Dimaculangan, Sonia Dimaculangan, Ma. Teresa Pajarillo, Maribel Nosce at Monica Rubio. (Reygan Mantilla)

 
 
BACK